Nagpaliwanag ang isang pribadong kumpanya kaugnay sa napaulat na pagsadsad ng isa umanong “Chinese dredger” sa bahagi ng Botolan, Zambales nitong nagdaang Linggo, Hunyo 14, 2020.
Sa report ng Philippine Coast Guard nitong Hueves, ang Chinese vessel na MV Zhong Hai 69 Alfa ay sumadsad 200 metro sa bahagi ng Barangay Bangan ng naturang bayan dahil umano sa napuno ito ng seawater sa parte ng engine room at compartments pero walang senyales na nagkaroon ng oil leakage.
Samantala, ayon kay Fiedni P. Fontamillas, chief operating officer ng Z2K Resources Inc., ang nangyaring marine incident na kinasangkutan ng kanilang sea vessel ZH 69 sa bahagi malapit sa bunganga ng Bucao River sa Botolan, Zambales ay resulta aniya ng “initial positioning bilang bahagi ng preparasyon sa isang large-scale dredging project.”
Ang naturang proyekto ay ang dredging at desilting ng Bucao River para maibalik ang dating lalim at water flow o natural state ng naturang ilog alinsunod sa DENR Administrative Order no.13 na inisyu noong Oktubre 24, 2019.
Layunin ng nabanggit na large-scale dredging sa mga river systems ng Zambales para mabawasan kung hindi man tuluyang masolusyonan ang labis na pagbaha sa naturang lugar sa paligid nito.
Ayon pa kay Fontamillas, hinampas umano ng malalakas na hangin at alon ang kanilang barko sa kasagsagan ng bagyong Butchoy habang naka angkorahe sa coastal area ng Bucao River. Dahil dito, nasira umano ang wall o dingding ng naturang barko at nabutas dahilan para pumasok sa loob nito ang seawaters.
Para umano hindi na lumala ang sira ng naturang sea vessel at maiwasan ang paglubog nito ay nagsagawa ng emergency repairs ang ship crew nito sa koordinasyon sa Philipine Coast Guard personnel na naka-istasyon sa Masinloc, Zambales.
“Ang ZH 69 ay about 200 meters off the coast ng Bucao River at sinadya umano namin na mas mailapit pa ito sa shoreline para maisagawa ng afloat repairs katuwang ang PCG personnel,” pahayag ni Fontamillas sa isang news statement.
Nilinaw din ng nabanggit na opisyal ng kumpanya na hindi dredger kundi isang “aggregates carrier ship” ito, na taliwas aniya sa mga naunang lumabas na mga balita sa iba’t ibang news agencies.
Tiniyak din ni Fontamillas na dahil sa ginawang “timely intervention at preventive action” ng management at personnel ng Z2K ay naiwasan aniya ang pagkakaroon ng oil spill o pagtagas ng langis na siya aniyang kinumpirma naman ng PCG Zambales.
Pinasalamatan naman ni Fontamillas ang hepe ng PCG-Masinloc Substation na si Rizaldy Sardan na siya umanong namuno sa mga PCG personnel habang isinasagawa nila ang emergency at preventive action Ang Z2K Resources Inc. ang kumpanyang nakakuha ng kontrata mula sa Zambales LGU na may Notice to Proceed at Dredging Operations Permit nito lamang Mayo 28, 2020 para magsagawa ng large scale dredging operation sa heavily-silted na Bucao River sa Botolan, Zambales.