Pagsasaayos ng detour sa Cabu Bridge sa Cabanatuan, minamadali na

LUNGSOD NG CABANATUAN — Minamadali na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang pagsasaayos ng detour sa tulay ng Cabu sa lungsod ng Cabanatuan. 

Ayon kay Nueva Ecija 2nd District Engineer Elpidio Trinidad, isinasaalang-alang nila ang kahalagahan na maisaayos agad ang detour upang makadaan na ang mga malalaking sasakyan tulad ng mga trak na nagbibyahe ng iba’t ibang produkto. 

Hangad nilang maging kapakipakinabang ang ginagawang pagsasaayos nang hindi agad masira at maiwasang makaabala sa mga motorista. 

Sa naging inspeksyon na pinangunahan ni Trinidad ay plano pang magdagdag at gawing apat na linya ang concrete pipe culvert sa detour nang masiguro ang maayos na daloy ng tubig sa sapa. 

Habang hinihintay ang mga karagdagang kagamitan, bubuksan ang detour sa motorista ngayong darating na Huwebes gayunpaman ay asahang isasarado muli para sa sunod pang paglalagay ng mga pipe culvert. 

Matatandaang isinara ang detour noong Mayo na na-washed-out dahil sa naranasang tuloy-tuloy na pag-ulan. 

Paliwanag ng DPWH, hindi agad nakumpuni ang naturang detour noon dahil sa mataas na lebel ng tubig. 

Batay naman sa Planning and Design Section ng DPWH ay hindi nila maaaring i-demolish ang Cabu Bridge dahil sa historical value nito kaya ang mungkahi nila ay ang pagtatayo ng parallel bridge. 

Manggagaling sa pamahalaang nasyonal ang pondo para sa rehabilitasyon ng tulay na nagdudugtong sa mga lungsod ng Cabanatuan at Palayan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews