LUNGSOD NG MALOLOS- Nanawagan si Bulacan Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo ng pagkakaisa at pagsunod sa batas makaraang isailalim ang probinsiya kasama ang iba pang lugar na kabilang sa “NCR bubble” na binubuo ng Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal, sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula nitong Lunes, Marso 29, 2021 hanggang Abril 4, 2021.
Sa kanyang Facebook live, sinabi ng gobernador na ang hakbang ng gobyerno na ilagay ang mga binanggit na lugar sa mas mahigpit na quarantine protocol ay ginawa upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa.
“Dama ko po ang inyong kalagayan. Matagal na tayong nakikipaglaban sa pandemyang ito at ngayon pa lamang po tayo unti-unting bumabangon sa lahat ng bagay. Sa kasamaang palad, itong sabay-sabay na paglabas ng tao, kasama po ang pagpasok ng bagong variants ay lubhang nagpabilis sa pag-akyat ng mga bagong kaso ng COVID-19. Sa isang linggong lockdown po, hiling ko po ang pagkakaisa nating lahat, pagtalima sa batas, pagpapairal ng minimum health standards, at pagdadamayan sa ating bago na namang pagsubok,” anang gobernador.
Hiniling din niya sa mga samahang panrelihiyon sa lalawigan na manalangin sa Panginoon para sa kaligtasan ng mga Bulakenyo.
“Gamitin natin ang sandaling ito ng Kuwaresma, para sa taimtim na panalangin at pagsusumamo natin sa ating Dakilang Diyos na Siyang tanging kapangyarihan na makapagpapahinto at tatapos sa pandemyang ito,” ani Fernando.
Gayundin, bilang karagdagan sa mga nauna nang inilabas na Executive Order para sa pagbabantay sa mga malakihang pagtitipon; liquor ban; at barangay ronda, sinabi ni Fernando na maglalabas siya ng isa pang Executive Order para sa mga kapitan ng barangay upang maglaan ng quarantine o isolation facility sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa gobernador, sa ilalim ng ECQ, magkakaroon ng istriktong pagpapatupad sa pananatili sa tahanan; limitadong pampublikong transportasyon kung saan pinapayagan ang mga dyip at tricycle ngunit kailangang bantayan ang social distancing at minimum health standard protocols; curfew simula alas 6:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga; walang operasyon ang mga mall maliban sa mga kinakailangang produkto at serbisyo na may 50% operational capacity sa mga restawran na maaari lamang para sa take-out at delivery; limitadong interzonal na paggalaw; at pinahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint. Ngunit, aniya, hintayin ang opisyal na dokumento mula sa pamahalaang nasyunal para sa kalinawan.
Ayon sa pinakahuling tala mula sa Provincial Health Office-Public Health, noong Marso 27, 2021, nakapagtala ang Bulacan ng 2,753 kabuuang bilang ng aktibong kaso na may 384 fresh cases, 271 late cases, 156 bagong beripikang paggaling, at walang bagong beripikang pagkamatay.