Pagtalima ng mga lungsod ng Bulacan sa road clearing, ininspeksyon

LUNGSOD NG MALOLOS, Sept.19 (PIA) — Ininspeksyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang pagtalima ng tatlong lungsod ng Bulacan sa kautusan ni Pangulong Duterte na linisin ang mga kalsada sa mga obstruksyon at iligal na mga istraktura.

Ayon kay DILG Monitoring and Evaluation Division Chief Lerrie Hernandez, bagamat hindi pa 100 porsyento ang nalinis ay malaking porsyento na ang iniluwag ng kakalsadahan sa Malolos, Meycauayan at San Jose del Monte.

Partikular na binisita ang mga palengke, national roads at maging ang mga dating ginawang terminal ng mga tricycle at dyip.

Aniya, may nadaraanan nang sidewalk ang mga mamimili sa palengke at maging ang mga commuter.

Sa Meycauayan, sinabi ni City Administrator Pia Ramirez Delos Santos na hindi lamang road clearing kung hindi cleaning operation din ang kanilang isinasagawa upang mabawasan ang basura na nagdudulot ng pagbabaha.

Bumuo na rin sila ng sariling task force upang tutukan at i-monitor na hindi bumabalik sa dati ang kanilang nilinis na lugar.

Naging katuwang ng DILG sa naturang mga inspeksyon ang Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Department of Public Works and Highways, mga civil society organizations at Philippine Information Agency. (CLJD/VFC-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews