Mahalaga para sa mga may kapansanan na mayroong Persons with Disability Affairs Office o PDAO sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Nueva Ecija Federation of Persons with Disability President Arnel Viñas, sa pamamagitan ng PDAO ay nasisigurong mayroong mekanismo na tutugon sa mga pangangailangan ng mga may kapansanan sa mga lokalidad.
Ang naturang tanggapan aniya ang nagsasagawa at nagpapatupad ng mga plano at programa base sa mga nararanasang pangangailangan ng mga nasasakupang PWD.
Gayundin ay nagiging tagapag-ugnay at permanenteng opisina na nalalapitan ng mga may kapansanan.
Pahayag ni Viñas, napakarami ng batas para sa mga PWD ngunit ang kailangan ay implementasyon ng mga ito kagaya ang pagkakaroon ng PDAO sa bawat lokal na pamahalaan na tututok sa pagpapalakas ng sektor.
Sa buong Nueva Ecija ay nasa walong pamahalaang lokal ang mayroon ng ordinansa sa pagtatatag ng sariling opisina para sa mga PWD.
Kabilang dito ang mga bayan ng Cabiao, Cuyapo, Guimba, Talavera at San Antonio at mga lungsod ng Cabanatuan, San Jose at Muñoz.
Bukod pa ang Provincial PDAO na naitatag sa bisa ng Provincial Ordinance No. 01 series of 2019.
Nakapaloob naman sa Batas Republika Bilang 10070 ang pagtatatag ng nasabing opisina sa mga lokal na pamahalaan.
Hangad ni Viñas na mapakinggan ang hiling ng mga PWD na magkaroon ng PDAO sa iba pang mga lokalidad sa Nueva Ecija.
Kaniyang mensahe sa mga kapwa may kapansanan ay huwag mahihiyang ipaglaban ang karapatan bagkus ay magtulong-tulong ang buong sektor sa pagkamit ng kaginhawahan. (CLJD/CCN-PIA 3)