Sinimulan nang itayo ang magiging Bocaue station ng proyektong North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1.
Sa isang inspeksyon ni Philippine National Railways General Manager Jun Magno, sinabi niya na ito ang panglimang istasyon sa Bulacan na ginagawa na.
Ang una ay sa Balagtas na sinundan sa Meycauayan, Malolos at Guiguinto na nailunsad na ang mga fabricated concrete girders habang sisimulan na rin ang pagtatayo ng magiging Marilao station.
Bahagi aniya ito ng nasa 66 porsyento na ang nagagawa sa proyektong ito.
Nakapwesto sa isang istratehiyang lugar ang nasabing magiging istasyon. Nasa hilaga nito ang Governor Fortunato Halili Avenue na kilala rin bilang Bocaue-Santa Maria Road at nasa katimugan nito ang bagong gawang Ciudad de Victoria Bypass Road Phase 2.
Kaya’t inaasahan na magiging bukas sa trapiko ang gilid ng ibabang bahagi ng istasyon. Ito’y upang makapasok ang iba pang pampublikong sasakyan gaya ng mga bus, dyip at tricycle upang maghatid at sumundo ng mga magiging pasahero sa NSCR Bocaue station.
Base sa rendisyon ng arkitekto na iprinisinta ng Department of Transportation nang ilunsad ang proyekto noong 2019, magkakaroon ito ng dalawang palapag kung saan nasa ibabaw ang platform na magiging hintayan ng tren.
Nasa ibaba ang pasukan at labasan ng mga pasahero. Gayundin ang magiging automated fare collection system at mga pwestong bubuksan sa commercial purposes.
Target matapos ang proyekto sa pagitan ng mga taong 2022 at 2023 kung saan isasagawa ang partial operation.
Nakatakda namang dumating sa NSCR Phase 1 Depot sa hangganan ng Meycauayan at Valenzuela, ang una sa 13 train sets sa Disyembre 2021.
Ginawa ang nasabing mga train sets sa Japan na bibiyahe sa 38 kilometrong ruta ng NSCR Phase 1 mula sa Malolos hanggang sa Tutuban.