LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Kasama sa mga prayoridad na tinututukan ng pamahalaan ang pagtugon sa inflation.
Nakasaad sa 8-point socioeconomic agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang wastong pangangasiwa rito sa kabila ng mga kinahaharap na hamon ng bansa.
Sa idinaos na Dagyaw The Open Government Town Hall Meeting 2023 sa SM City Telabastagan, sinabi ni National Economic and Development Authority Regional Director Nerissa Esguerra na ang pinakamahalaga ay mapanatili ang kakayahang makabili ang bawat pamilyang Pilipino ng mga pangangailangan sa pang-araw-araw tulad ng pagkain, at mapababa ang mga gastusin sa pamasahe, kuryente at iba pa.
Kaugnay nito ay ipinaliwanag din ni Esguerra ang mga nakaaapekto sa pagtaas ng inflation.
Aniya, ang inflation ay ang sukat ng paggalaw o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaniyang ibinalita na ang kasalukuyang inflation rate sa rehiyon ay nasa 6.7 porsyento.
Kabilang sa mga nakaaapekto sa inflation ay ang Demand-Pull o ang pagtaas ng demand na kung saan marami ang gustong bumili ngunit hindi kayang i-suplay ng produksyon.
Pangalawa ay ang Cost-Push o ang pagmahal ng gastusin sa produksiyon lalo na sa pagsasaka na pinagbabatayan din ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Pahayag ni Esguerra, ang kasunod na epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mababang purchasing power ng tao ay ang paghiling ng mga manggagawa ng wage hike.
Nakaaapekto rin aniya sa inflation at ekonomiya ng Pilipinas ang mga nangyayaring krisis sa labas ng bansa.
Sa kabila ng mga kinahaharap na problema ay tinututukan ng gobyerno ang sektor ng produksiyon upang makapagtaguyod ng maraming oportunidad na trabaho at mapaunlad ang mga gawang produkto kaalinsabay ang pagsusulong ng ekonomiya.
Nananatiling bisyon ng pamahalaan hanggang 2040 na magkakaroon ng “Matatag, Maginhawa at Panatag na Buhay ang mga mamamayang Pilipino.”
Ang kauna-unahang Dagyaw sa rehiyon ngayong taon ay may temang “Maunlad na Gitnang Luzon Tungo sa Progresibong Nasyon.”
Ito ay inorganisa ng Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, at Philippine Information Agency sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, pamahalaang lungsod ng San Fernando, iba’t ibang ahensya, at mga civil society organization. (CLJD/CCN-PIA 3)