Pahayag ni senador Lito Lapid sa pagpanaw ni Nora Aunor

“Lubos ang aking pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat sa larangan ng sining at pelikulang Pilipino—ang nag-iisang Superstar, si Nora Aunor.

Mapa-arte man o kantahan, komedya man o drama, telebisyon man o pinilakang tabing, ang anking talento ni Nora Aunor ay nagningning ng higit sa kaninumang bituin sa kasaysayan ng ating bansa.

Ang mahigit sa dalawandaang pelikula at palabas na tinampukan ni Nora Aunor ay hindi lamang nagbigay giliw sa ating mga kababayan, kundi nagsilbing liwanag na nagdala sa atin sa ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino. Sinalamin ng kaniyang mga pelikula ang realidad ng buhay na siyang nagbigay kamulatan sa marami nating kababayan.

Sa kanyang mga pagganap, binigyang tinig niya ang mga naaapi, ang mga tahimik, at ang mga nawalan ng boses sa lipunan. Ipinakita niya na ang sining ay hindi lang aliwan—ito ay maaaring maging makapangyarihang sandata upang pukawin ang damdamin, imulat ang isipan, at itulak ang pagbabago.

Apatnapu’t limang taon na ang nakalilipas, ay nagtambal kami sa dalawang drama film na dinirek ng yumaong batikang direktor na Mario O’Hara: Kastilyong Buhangin noong 1980, at Gaano Kita Kamahal noong 1981. Doon ko namalas nang personal ang pambihirang galing ng isang Nora Aunor.

Si Nora ay isang tunay na propesyonal, mapagkumbaba, at puno ng malasakit sa kapwa. Ang kanyang pamana ay hindi matutumbasan at ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan sa ating bansa.

Inaalala natin siya bilang isang premyadong aktress, asawa, ina, kaibigan, alagad ng sining, at tunay na Filipina.

Sa pamilya, mga kaibigan, at sa milyon-milyong tagahanga ni Nora Aunor—ipinaabot ko po ang ating taos-pusong pagdamay.

Mabuhay ang alaala ng Superstar.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews