Bilang pagpapakita ng kanilang lubos na pakikiramay at pagdadalamhati kasabay ng pagpupugay sa kanilang namayapang ina ng bayan na si Mayor Joni Villanueva-Tugna ay nagtulos ng halos 40,000 kandila sa itim na timba ang mga residente sa bayan ng Bocaue na nagpaliwanag sa mga kalsadahan nitong Biyernes ng gabi.
Ang mga timbang pinagtulusan ng kandila ay mayroon ibat-ibang larawan ng alkalde ang iba naman ay mga mensahe ng pagpapasalamat at pagpapaalam.
Ito rin ang timba na siyang ginamit ni Mayor Joni na lalagyanan ng may halos 45,000 relief goods na ipinamahagi ng pamahalaang lokal sa kasagsagan ng lockdown dulot ng Coronavirus disease (Covid-19) pandemic habang ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.
Mula sa Barangay ng Bunlo sa kahabaan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at sa mga provincial at barangay roads ng bawat sulok ng mga barangay ay inilabas ng mga Bocauenos ang mga timbang itim at dito nagtulos ng kandila bilang pag-alala sa namayapa at minamahal nilang punong bayan.
Dakong alas-6:00 ng gabi nang sabay-sabay simulan ang pagtutulos ng kandila sa buong bayan na siyang nagpaliwanag sa kapaligiran kasabay ng pag-aalay ng munting dasal para namayapang alkalde na nag-alay ng kaniyang buong sarli upang paglingkuran ang mamamayang Bocaue.
Mababatid na sa kabila ng kaniyang karamdaman ay mas pinili nito at inuna ang kapakanan ng kaniyang kababayan at hindi nito inalintana ang posibleng panganib sa kaniyang buhay nang personal niyang pangasiwaan ang repacking ng mga relief foods at sumasama pa sa distribution nito sa 19 na barangay.
Si Mayor Joni ay naratay sa St. Lukes Hospital sa Taguig ilang linggo bago ito binawian ng buhay sa sakit na sepsis secondary to bacterial pneumonia nitong Mayo 28.
Hindi maiwasan ang panghihinayang ng mga Bocaueños lalo na ng ama nitong si Bro. Eddie Villanueva, founder ng Jesus Is Lord (JIL) church sa maagang paglisan ni Mayor Joni na kung saan ay nag-iwan ng legasiya at itinuturing na bayani ng kasalukuyang henerasyon sa bayan ng Bocaue sa dami ng nagawa labis-labis na paglilingkod maiangat lamang ang antas ng nasabing bayan partikular na ang bawat residente rito.
Hindi lamang sa buong bayan ng Bocaue ang nagluluksa kundi maging ang buong lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando na nagpaabot ng pagpupugay at pakikidalamhati sa pamamagitan ng kaniyang Facebook page na labis na nanghihinayang sa pagkawala ni Mayor Joni.
“Sa maraming pagkakataon ay nasaksihan ko ang kanyang mapagkalingang paglilingkod, tunay po siyang butihing ina ng Bayan ng Bocaue. Paalam Mayor Joni, tanggapin mo ang parangal ng mga kababayang iyong minahal–– salamat at nakasama ka namin sumandali dito sa mapanghamong landas ng paglilingkod sa ating mga kalalawigan. Salamat sa inspirasyon ng iyong pamumuno. Gabayan nawa kami ng iyong mga dalangin sa bawat sandali ng aming paglilingkod,” ani Fernando.
Samantala, isinagawa naman ang public viewing Linggo ng umaga habang wala pang inaanunsiyo ang pamilya Villanueva-Tugna kung kailan ang araw ng libing.