Ayon kay City Administrator Jemuel Dela Cruz, ang pagkakaroon ng dokumento tulad ng titulo ng lupa ay mahalaga at matibay na batayan hinggil sa pagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng tahanan o sakahan.
Ang programang pamamahagi ng titulo ng lupa ng lokal na pamahalaan ay inilunsad sa pangunguna ni Mayor Adrianne Mae Cuevas taong 2020 na ang pangunahing layunin ay makatugon at makapagbigay seguridad sa lupain ng mga nasasakupang residente.
Ito din ay magkapagbibigay ng pangmatagalang pakinabang hanggang sa mga anak at apo ng mga tumanggap ng titulo.
Kahit pa may pandemya ay tinutukan at ipinagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang pagkakaloob ng titulo ng pamahalaang lokal sa mga mamamayang matagal nang minimithi ang pagkakaroon ng titulo ng lupang sinasaka at kinatatayuan ng mga tahanan.
Sa barangay Popolon lamang ay nasa 170 pamilya na ang napagkalooban ng titulo ng mga pagmamay-aring lupa.
Pinangangasiwaan ng City Assessor’s Office, City Legal Office, Department of Environment and Natural Resources at mga opisyales ng barangay ang pagpoproseso ng mga titulo na ipinamamahagi ng Pamahalaang Panlungsod ng Palayan.
Kung may katanungan o problema sa lupa ay huwag mag-atubiling lumapit sa mga nabanggit na tanggapan o kaya ay sa mismong opisina ng Punong Lungsod.