Palengke ng Malolos, may bagong operating hours

LUNGSOD NG MALOLOS — Naglabas ng kautusan si Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian na nagtatakda na magbubukas ang pamilihang lungsod sa ganap na alas-singko ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.

Nagsimula ito ngayong araw bilang pagtugon sa ipinaiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine upang masugpo ang sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Ayon sa punong lungsod, itinakda ito upang masiguro na masunod ang pagpapatupad ng curfew mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga. 

Ang Pamilihang Lungsod ng Malolos ay siyang pinakamalaking palengke sa buong Bulacan na 24 oras na bukas sa karaniwang mga panahon. 

Bahagi rin ng kautusan ang pagbabawal na makapasok ang anumang uri ng sasakyan sa loob ng palengke, kaya’t pansamantalang nilagyan ng mga barikada ang lahat ng mga lagusan na papasok at palabas sa nasabing palengke. 

Dahil dito, bibigyan ng exemption ang mga sasakyan na magdi-deliver ng mga suplay na ititinda rito partikular na ang mga pagkain.

Nagtalaga naman ng mga kawani ng pamahalaang lungsod sa mga pasukan at labasan ng palengke upang magsagawa ng thermal scanning at mag-spray ng alcohol sa bawat mamimili. 

Tanging ang mga tindahan at mga nagtitinda lamang ng mga pangunahing pangangailangan ang maaring magbukas o magtinda. 

Tinukoy sa Executive Order ni Gatchalian partikular ang Bigas, Mais, mga root crops, Tinapay, Isdang sariwa, tuyo o delata; mga pagkaing yamang dagat, sariwang mga karne ng Baboy, Baka, Manok, Itlog, tubig, Gatas, gulay at prutas, noodles, Kape, Asukal, Mantika, Asin at mga pangsangkap. 

Pwede ring magbukas ang mga nagtitinda ng sabon, pakaen sa Baboy at mga patuka ng Manok, veterinary products, hardware products, mga Baterya at mga electrical supplies.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews