Pamana ni Duterte, lalong pinakikinabangan sa gitna ng pandemya

LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi napigil ng pandemya ng COVID-19 ang pagsasakatuparan ng iba’t ibang malalaking pamana ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa at sa mga Pilipino.

Iyan ang binigyang diin ni Presidential Communication and Operations Office o PCOO Secretary Martin Andanar sa panayam ng Radyo Bandera-Bulacan 90.3 FM ngayong Araw ni Marcelo H. Del Pilar sa lalawigan.

Aniya, hindi ginawang limitasyon at rason ang COVID-19 para hindi makagalaw. Mula nang magkaroon ng pandemya, hindi tumigil ang administasyon sa pagtatrabaho bagkus ay pinalakas pa.

Partikular dito ang mahigit 29 libong kilometrong mga bagong kalsada na nasimulan at nakumpleto sa gitna ng pandemya.

Iba pa rito ang mga bagong linya ng daang bakal gaya ng Metro Manila Subway, North-South Commuter Railways at ang MRT 7 na naging panaginip lamang sa mahabang panahon.

Sa larangan ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pangangailangan, naiderecho sa karaniwang mga mamamayan ang libreng kolehiyo, universal health care o libreng gamot at pagamot, libreng patubig at ang pag-agapay sa mga pangangailangang medikal sa tulong ng mga Malasakit Centers.

Higit sa lahat, umabot sa P500 bilyon ang naipagkaloob sa may 4.2 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na ngayo’y isa nang permanenteng programang panlaban sa kahirapan.

Iyan ang mga dahilan kung bakit napababa ang poverty incidence mula sa 24 porsyento noong 2016 sa 14 hanggang 13 porsyento bago magkaroon ng pandemya. Ibig sabihin, matagumpay na naiahon sa kahirapan ang may anim na milyong Pilipino.

Kaya’t para kay Andanar, hindi nakakapagtaka na nasa 91% ang approval rating ng pangulo na nagpapatunay na ramdam ng mas maraming Pilipino ang nasabing mga pamana.

Iba pa rito ang malalaking nagawa sa paglaban sa iligal na droga at iba’t ibang uri ng krimen na pangunahing itinaguyod ni Pangulong Duterte. 

Una na rito ang pag-abot sa 50 bilyong pisong halaga ng mga iligal na droga, parapernalya at planta ang nakumpiska, 1.2 milyong indibidwal na sangkot dito ang napasuko at 22 libong mga barangay ang naideklarang drug free na.

Nagbunsod ito upang mahatak sa 64% ang ibinagsak ng crime volume na naitatala kaya’t mas panatag bumiyahe o maglakad sa kalye ngayon, nang hindi nag-aalala na may mangyayaring masama.

Sa usapin ng pangmatagalang kapayapaan, pangunahin sa mga pamana ni Pangulong Duterte ang pagsasakatuparan ng Bangsamoro Organic Law na lumikha sa ganap na otonomiya ng Bangsamoro Automous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, ayon pa kay Andanar, dahil sa dami ng mga pamana ng administrasyong Duterte, hindi sapat ang isinagawang Ikaanim na State of the Nation Address o SONA at mga Pre-SONA Forums kaya’t binuo ang Duterte Legacy campaign. Gayundin ang inihahandang Pasasalamat Tour hanggang sa Hunyo 2022.

Aniya obligasyon ng PCOO na ipaalam sa tao ang mga pamanang ito dahil ito ang kanilang pinakikinabangan at pakikinabangan pa. 

Mapapalakas din nito ang loob ng karaniwang Pilipino at mabibigyan ng inspirasyon na lalo pang umasenso.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews