Madalang bigyan ng marubdob na pagkilala o parangal ang isang dating guro maliban kung ito ay nakapag-iwan ng isang malalim na bakas, sa pagpapanday ng mga kabataan.
Kaya’t hindi kataka-taka na gayun na lamang ang pangungulila ng mga kabataang mananayaw na Bulakenyo sa pagkawala ng kanilang itinuturing na “Inang” sa sining ng Sayaw, si Jovita Espineda Meneses.
Mahaba at malalim ang mga naging karanasan ni Inang Jovie sa larangan ng pagsayaw. Mula sa pagiging isang tubong Malolos, Bulacan na ipinanganak noong Enero 28, 1950 mula sa isang simpleng pamilya, naging karaniwang estudyante sa Pinalagdan Elementary School at Marcelo H. Del Pilar gaya ng ibang kabataan ng kanyang panahon.
Nagtapos sa kursong Bachelor in Science in Elementary Education kung saan siya naging kasapi ng tanyag na Philippine Barangay Dance Troupe at dito niya unang iniindak ang kanyang balakang.
Ito ang humubog sa kanya upang hindi lamang maging isang magaling na mananayaw kundi maging isang epektibo at kahanga-hangang guro sa larangan ng sining ng Sayaw.
Hindi lamang siya isang karaniwang guro na basta magtuturo na lamang at bahala na ang estudyante kung natuto o hindi. Sapagkat katangi-tangi ang kanyang anbag sa sining ng Sayaw sa Bulacan nang itatag niya ang Lahing Kayumanggi Dance Troupe noong 1988.
Nagsilbing malaking pinto ito para sa mga libu-libong kabataang mananayaw na Bulakenyo na mapanday sa larangang ito sa ilalim ng kanyang pagtuturo at pagkalinga. Maraming kakanyahan ang tunay na nalinang, nabigyan ng pag-asa ang maraming mga pangarap na matupad, at lalung lalo na, hindi lamang isang mananayaw ang turing niya sa kanyang mga tinuturuan kundi mga anak.
Hanggang ngayon, nananatili pa ring buhay at aktibo ang Lahing Kayumanggi Dance Troupe sa pagtuturo at pagpapanday ng mga bagong henerasyon ng mga mananayaw na nasa ikatlong dekada na. Ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng isang konsiyertong pinamagatang ‘Ikatlong Dekada’ kung saan ang naitampok ang naging ‘huling sayaw’ ni Inang Jovie bago siya pumanaw.
Nakilala ang itinatag niyang Lahing Kayumanggi Dance Troupe sa mga itinuturong sayaw nito sa paraang Simpatika. Tinagurian itong signature dance nila dahil naging paboritong sayaw ni Inang. Halaw ito sa sayaw ng mga taga Pangasinan na kanyang sinasayaw noong siya’y kasapi ng Philippine Barangay Dance Troupe sa kanyang kabataan.
“Nanganak” ang Lahing Kayumanggi Dance Troupe ng iba’t iba pang mga samahan ng mga mananayaw na itinatag ng mga naturuan ni Inang na kung ituring niya ay mga anak.
Kabilang diyan ang Hiyas ng Hagonoy Folkloric Group ng barangay San Pedro sa Hagonoy, Bulacan Agricultural State College Liping Tagalog ng bayan ng San Ildefonso, Iba National High School Folk Dance Troupe na mula rin sa Hagonoy, at ang Indak Guiguintenyo at Sta. Cruz Elementary School Gintong Lahi Ani ng Sining Dance Troupe na kapwa mula sa bayan ng Guiguinto.
Pawang mga nagsimula at dating kasapi sa Lahing Kayumanggi Dance Troupe ang mga tagasanay at direktor ng mga nabanggit na samahan. Kaya’t maliwanag at hindi maikakaila na naging malaking instrumento si Inang Jovie upang mapalaganap ang mga katutubong sayaw ng Pilipinas dito sa Bulacan.
Higit pa sa pagiging isang mahusay na guro, isa siyang huwaran at tunay na Lahing Kayumanggi na nasa hanay ng mga kinikilala, tinitingala at nirerespeto.