Isinusulong na maibalik sa hapag ng karaniwang mga Bulakenyo ang paghahain ng mga tradisyunal na Kalutong Bulakenyo.
Sa ginanap na webinar ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP tungkol sa Pamanang Kalutong Bulacan bilang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Pamana, binigyang diin ni Nicanora Teresa Hernandez, isang kinikilalang historyador sa tradisyunal na pagkain sa lalawigan, na uubrang maihain ito sa pang araw-araw dahil karaniwan lamang ang mga sangkap nito.
Dahil sa pandemya, naging limitado o tuluyang walang malalaking pagtitipon gaya ng mga pista at festivals. Habang pansamantalang nagsara ang ilang mga restaurants na regular na naghahain ng mga Kalutong Bulakenyo. Kaya’t bahagi ng webinar ang pagbabahagi kung paano ito mailuluto at maihahain sa pang araw-araw.
Partikular dito ang paggawa ng Hamon Bulakenya na inihahanda sa malalaking piyestahan at mararangyang pagtitipon sa Bulacan. Ayon kay Hernandez, pwede itong ihain sa karaniwang mga araw dahil simple lang ang paggawa at madaling mabili ang mga sangkap.
Kung balak kainin sa isang patikular na araw o linggo, kailangang mai-marinate ang Liempong Baboy sa loob ng tatlo hanggang limang araw. Kapag handa nang gamitin para lutuin ang karne na-marinate sa Asukal, Asin at Salitre, pwede na itong pakuluan sa isang pressure cooker o kahit karaniwang kalderong malalim na may laman na beer na pale pilsen. Ang sukat ng bawat mga sangkap ay depende sa dami ng pakakainin.
Matapos pakuluan at maluto sa beer ang nasabing karne, pwede na itong ihaon at ilagay sa serving plate. Lalagyan ng Asukal ang ibabaw ng pinagtanggalan ng balat. Magpainit ng sanse upang ipaso sa ibabaw ng Asukal upang kumatas sa layer ng karne at pwede nang ihain.
Paliwanag pa ni Hernandez, kinukumpirma ng isang pagkain ang pagkakakilanlan ng isang lugar at kung taga saan ang isang partikular na nagluluto. Halimbawa rito na kung ang isang nagluluto ay taga bundok, karaniwang mga pagkaing may potaheng Baboy, Manok at iba pang maaaring makuha sa kabundukan ang naihahain.
Dito mauugat kung bakit sumikat ang Pastillas mula sa gatas ng Kalabaw at Chicharon mula sa Baboy ramo na mahuhuli sa bulubunduking bayan ng San Miguel.
Gayundin ang iba’t ibang ulam gamit ang Baboy na inaalagaan sa buruling bahagi ng Santa Maria. Dahil dito, bahagyang nagkaroon ito ng impluwensiya upang makilala rin ang Liempong Bocaue sa katabing bayan ng Bocaue.
Sa mga nasa kabukiran, pawang mga kakanin at mga prutas sa kapatagan ang madalas na nagagawang pagkain gaya ng Putong Pulo ng Marilao, Pandesal Baliwag, sari-saring Kakanin ng Malolos at ang pamosong Ensaymada nito.
Habang iba’t ibang uri ng luto mula sa mga halaman at yamang tubig ang naihahain naman ng mga taga-latian. Pinakasikat dito ang Sukang Paombong at Sukang Bulakan mula sa Sasa.
Katunayan, ayon pa kay Hernandez, mauugat na sa Bulacan naitala ang pagluluto ng paksiw mula pa noong ika-17 siglo base sa tala ng ‘The Juliana Gorricgo Pardo De Tavera Collection’.
Isinasaad doon na ang salitang ‘Paqcio ala Bulaquena’ na sa kasalukuyang translasyon ay ‘Paksiw ng Bulakenya’. Nabanggit din ang paraan ng pagluluto nito kung saan ilalagay ang Isdang nalinis na sa kawali upang pakuluan sa Suka na may kaunting Asin, Luya, Paminta at Siling Berde.
Kaugnay nito, marapat din aniyang dalasan ang paghahain ng mga Kalutong Bulakenyong inihain sa mga makasaysayang pangyayaring idinaos sa Malolos gaya ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas at paglalagak ng Monumento ng Kabayanihan sa harapan ng simbahan ng Barasoain.
Kabilang diyan ang Sopa de Plaridel, Pescado del Supremo Katipunero, Lengua de Magdalo, Relleno del Sublime Paralitico, Ensalada de Paterno, Vinos Leviticos, Frutas del Pacto de Biak-na-Bato, Postres de Barasoain at Sorbetes de la Republica Filipina.
Samantala sa kasalukuyan, inihahain sa isang heritage restaurant sa Malolos ang mga pagkaing Bulakenyong natukoy na paborito ng mga kilalang bayani ng bayan gaya ng Malolenyo Paella, Hamon Bulakenya, Nilagang Pasko, Arroz Ala Cubana na paborito ni Heneral Gregorio Del Pilar, Pochero na palaging kinakain ni Marcelo H. Del Pilar, Tempura ni Mariano Ponce, Nilitsong Manok sa Saha ni Andres Bonifacio, Nilagang Manok na Putin a may Asparagus ni Pangulong Emilio Aguinaldo at ang Tinolang Manok ni Dr. Jose P. Rizal.
Ayon naman kay Ruel Paguiligan, kurador ng Museo ng Republika Filipina 1899 ng NHCP na nag-organisa nitong panayam, target ng komisyon na unti-unting gawing regular ang pagdadaos ng bangkete o banquet tuwing pagdiriwang ng anibersaryo ng Kongreso ng Malolos at Unang Republika, kapag dumating ang panahong natapos na ang pandemya.