Nasa Bulacan ngayon ang pambansang eksibisyon tungkol sa “Ang Pilipinas at ang Unang Pag-Ikot sa Daigdig” na dinala sa lalawigan ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP.
Ito ay bahagi ng Quincentennial Commemorations in the Philippines na umaalala sa mga unang tagumpay ng sangkatauhan.
Kabilang dito ang kauna-unahang naitala na pag-ikot ng tao sa mundo, ang tagumpay ni Lapu-Lapu at kanyang tribo na ipagtanggol ang Mactan laban sa mananakop, at ang pagdating ng Katolisismo sa bansa.
Sinabi ni Gina Batuhan, pinuno ng Historic Sites Education Division ng NHCP, minarapat ng komisyon na dito naman sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos isagawa ang eksibisyon kung saan naganap ang unang kamalayan ng mga Pilipino sa pamamahala.
Ipinaliwanag niya na kung nauugat sa Quincentennial Commemorations in the Philippines ang sinaunang sibilisasyon ng ating mga ninuno, dito naman sa simbahan ng Barasoain sumasalamin ang malayong narating ng lahing Pilipino sa pagsasabansa.
Para kay Malolos City Mayor Christian Natividad, pinatunayan sa eksibisyong ito na may pormal, maunlad at mayaman nang sibilisasyon ang ating mga ninuno bago pa man mapadpad ang mga mananakop.
Kinakailangan aniyang maibalik sa kamalayan ng mga nasa kasalukuyang henerasyon, lalung lalo na sa mga kabataan, kung ano ang mga aral ng nakaraan upang matutong humarap sa kinabukasan.
Matutunghayan sa eksibisyong “Ang Pilipinas at ang Unang Pag-Ikot sa Daigdig” ang sibilisasyon na inabutan ng mga Kastila sa mga isla ng Visayas at ilang bahagi ng Mindanao na kanilang nagalugad.
Komprehensibo ring ipinakita ang kabuuan ng naging ruta ng paglalakbay ng grupo ni Ferdinand Magallanes sa kanilang pagkakapadpad mula sa mga isla ng Samar, Suluan, Homonhon, Gibusong, Hinunangan, Limawasa, Leyte, Canigao, Baybay, Gatighan, Ponson, Poro, Ticobon, Cebu hanggang sa Mactan kung saan siya napatay ng pwersa ni Lapu-Lapu.
Nasa mapa rin ang pagpapatuloy ng paglalakbay na pinangunahan na ni Juan Sebastian Elcano mula sa Bohol, Panilongon, Kipit, Mapun, Palawan, Tagusao, Balabac, Buliluyan, Sulu, Basilan, Cawit, Subanin, Manalipa, Maguindanao, Kamanga, Batulaki, Balut hanggang Saranggani kung saan naging daan patungo sa Indonesia.
Dito lalong napatunayan na ang mundo ay bilog dahil nagsimula ang naturang paglalakbay sa Espanya na nasa kanluran, tumawid sa karagatang Pasipiko kung saan nadaanan ang mga isla ng Pilipinas sa silangan at nakabalik sa Espanya.
Bukod dito, makikita ang mga replika ng mga inilagak na panandang pangkasaysayan ng NHCP sa mga lugar na natukoy na dinaungan ng mga barko nina Magallanes, Elcano at mga kasama.
Sa mga detalye naman ng naging unang Misa sa Pilipinas, ipinaliwanag sa eksibisyon na nagkataon na ang pagkakadaong sa ating mga isla ay panahon sa pagitan ng mga Mahal na Araw hanggang sa linggo ng Pagkabuhay noong Marso 1521.
Gayundin ang pagpapakilala ng mga Kastila ng mga ritwal ng Katolisismo sa mga katutubo gaya ng pagbibinyag.
Kaugnay nito, sinabi ni Kinatawan Danilo Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan, na higit pa sa selebrasyon ng Quincentennial Commemorations in the Philippines kundi ang pagpapatunay na mayroon nang malayang kaisipan at mayamang kultura ang mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila. (CLJD/SFV-PIA 3)