LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Pinulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga television networks, cable, at internet providers upang hingin ang kanilang suporta sa pagpapatupad ng blended learning sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Gobernador Dennis Pineda, ang paggamit ng magkahalong tradisyunal at social media ang pinakamabisang alternatibo sa pisikal na pagpasok ng mga estudyante sa paaralan lalo na at kaya nitong maabot maging mga malalayong lugar sa probinsya.
Bilang tugon dito, ipinanukala ng CLTV 36 ang “Teleskwela”, upang paigtingin ang virtual learning program ng Department of Education o DepEd para sa mga mag-aaral sa lalawigan.
Ayon kay CLTV 36 General Manager Sonia Soto, bibigyan ng isang oras mula Lunes hanggang Biyernes ang lahat ng antas upang libreng maiere ang kanilang mga aralin at matiyak na patuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Susuportahan naman ng DepEd, sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, ang gastos sa kuryente ng kumpanya para sa naturang inisyatibo.
Bukod dito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan sa publiko na ginagawa nito ang lahat upang makagawa ng mga interbensyon na makatutulong sa mga mag-aaral sa darating na pasukan.
Samantala, hiniling din ng pamahalaang panlalawigan sa DepEd na magkaroon ng standard na pamamaraan upang mas epektibong mapatupad ang blended learning sa probinsya.