Pampanga SMEDC, planong bumuo ng TWG upang buhayin ang ekonomiya

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Plano ng Pampanga Small and Medium Enterprises Development Authority o PSMEDC na bumuo ng isang technical working group o TWG na tutulong sa mga maliliit na negosyo sa panahon ng COVID-19.

Ayon kay Pampanga Chamber of Commerce and Industry, Inc. o PamCham President Rene Romero, pangunahing layunin ng TWG na tugunan ang alalahanin ng mga maliliit na negosyong magpapatuloy ng kanilang operasyon sa ilalim ng General Community Quarantine. 

Aniya, sa pamamagitan ng TWG, layunin nillang makabuo ng mas maliaw na mga alituntunin mula sa pamahalaang panlalawigan at mga pribadong kumpanya upang iwasan ang pagkalitong kinakaharap ng nasabing sektor. 

Ang ideya, ayon kay Romero, ay hilingin ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng paggawa ng isang ordinansa upang maiwasan ang pagbabawas ng mga empleyado sa mga pribadong kumpanya, at tulungan sila sa sahod at iba pang mga paraan upang makabangon ang ekonomiya.

Magiging responsible din ang TWG sa pangangalap ng mga datos tulad ng kung ilan ang mga manggagawang apektado ng pandemya, at pagbalangkas ng panukalang isusumite sa pamahalaang panlalawigan.

Pamumunuan ang TWG ng PSMEDC. Kasama sa mga magiging miyembro nito ang Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, Provincial Cooperative and Economic Development Office, Public Employment Service Office, Provincial Board, at iba’t ibang chamber of commerce and industry sa lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews