Pamumuhunan sa lungsod ng San Jose del Monte, nasa P10B na

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Sumampa na sa 10 bilyong piso ang halaga ng mga pamumuhunang pumasok sa San Jose Del Monte ngayong nagdiriwang ito ng ika-19 taon na pagiging lungsod.

Sa ginanap na pagbubukas ng Tanglawan Festival 2019 Art Gallery kaugnay ng nasabing pagdiriwang, ibinalita ni Mayor Arthur Robes na mula noong taong 2016 nagsimulang pumasok ang mga malalaking pamumuhunan sa lungsod kaya’t umabot sa kasalukuyang 10 bilyong pisong marka ang naipasok na puhunan.

Ang mga sektor ng retailing, real estate at transportasyon ang mga pinakamalalaking mamumuhunan ngayon. Kabilang diyan ang SM City San Jose Del Monte na siyang pinakamalaking mall sa lalawigan. 

Kamakailan lamang ay napasinayaan ang mga bagong studios ng ABS-CBN Corporation habang nasa kasagsagan naman ang konstruksyon ng MRT Line 7 na magkakaroon ng istasyon sa barangay Tungkong Mangga.

Dahil dito, binigyang diin ni Robes na ang pagtaas ng halaga ng mga pamumuhunang pumasok sa San Jose Del Monte ay nakatulong upang umangat ang panlungsod na badyet na mula sa 1 bilyong piso lamang noong 2016 ay umabot na sa 2.1 bilyong piso ngayong 2019.

Kaugnay nito, pinakabago namang pamumuhunan na dumating ang 1.45 bilyong pisong Solar Power Project ng Manressa Power Corporation na lilikha ng 35 megawatts na suplay ng kuryente na nasa barangay Minuyan Proper.

Naging lungsod ang San Jose Del Monte sa bisa ng Republic Act 8797. Nanalo naman ito sa plebisito noong Setyembre 10, 2000.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews