Pormal na inilagak ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP sa harapan ng Katedral-Basilika ng Malolos ang pananda ng Landas sa Pagkabansang Pilipino.
Ayon kay Carminda Arevallo, executive director ng NHCP, bahagi ito ng apat na taong pagbabalik-tanaw sa ika-125 taong anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan at pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas.
Kabilang ito sa mga pangunahing gawain at programang inihanda ng NHCP mula 2023 hanggang 2026 para sa nasabing selebrasyon.
Para kay Provincial History, Arts and Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, hindi lamang ito isang simpleng pananda, kundi magbibigay nang mas malalim na kamalayan sa mga Bulakenyo at sa mga Pilipino sa tunay na halaga ng kasaysayan ng Katedral-Basilika ng Malolos.
Nagsilbi ang katedral bilang Palacio Presidencial o Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas nang naghimpil si Heneral Emilio Aguinaldo sa Malolos mula Agosto 1898 hanggang Marso 1899. Dito siya nanirahan sa panahon ng mga sesyon ng Kongreso ng Malolos mula sa pagbubukas nito noong Setyembre 15, 1898.
Mula rin sa katedral-basilika na ito, pinangunahan ng heneral ang isang parada patungo sa simbahan ng Barasoain para naman pasinayaan ang Unang Republika noong Enero 23, 1899, kung kalian nanumpa rin siya bilang pangulo ng bansa.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, naging saksi ang katedral-basilika sa mga mahahalagang pangyayari na umukit sa kinabukasan ng mga Bulakenyo at ng Pilipinas sa kabuuan, bago maging bahagi ng kasaysayan ng pagsasabansa.
Taong 1580 nang itatag ng mga paring Agustino ang parokya ng Malolos sa patronato ng Nuestra Senyora de la Immaculada Concepcion. Mula sa pagiging simbahan na gawa sa nipa at kawayan, nagpapalit-palit ang anyo nito dahil sa mga nangyaring sunog at lindol sa pagitan ng mga taong 1601 hanggang 1816.
Ang kasalukuyang istraktura ng simbahan ay naitayo noong 1817 na sinundan ng pagpapagawa ng katabing kumbento noong 1819. Nasubukan ang katatagan nito nang yanigin ng malakas na lindol noong 1863.
Dito rin nangyari ang makasaysayang pagharap ng mga Kadalagahan ng Malolos kay Spanish Governor General Valeriano Weyler upang personal na iabot ang petisyon para sila’y makapagpatayo ng paaralan at makapag-aral noong Disyembre 12, 1888. (MJSC/SFV- PIA 3)