Pananda ng pagiging Heritage Church ng Bulakan, ikinabit ng National Museum

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang pinasinayaan ng National Museum of the Philippines ang ikinabit na Panandang Pamana sa pagiging Mahalagang Pamanang Pangkalinangan o Important Cultural Property ng Hugnayan ng Simbahan ng Nuestra Senyora De La Asuncion sa bayan ng Bulakan.

Nangyari ang pagkakabit nitong pananda, dalawang taon matapos isagawa ang pampublikong pagdedeklara sa nasabing church complex bilang Important Cultural Property. 

Ayon kay Raquel D. Flores, officer-in-charge ng Cultural Properties Regulation Division ng National Museum of the Philippines, ang pagkakadeklarang ito ay nangangahulugan na  pwede nang magkakaloob ang pambansang museo ng kaukulang pondo para sa patuloy na preserbasyon, restorasyon at rehabilitasyon.

Bahagi ito ng mandato ng National Museum of the Philippines sang-ayon sa Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act.

Halimbawa, nagkataon ngayong pinasinayaan ang pananda ay nakakabit sa mga istraktura ng simbahan ang mga scaffolding o mga pormang bakal dahil sa ginagawang agarang rehabilitasyon at restorasyon. 

Ayon kay Joey Rodrigo, Municipal Tourism Officer ng Bulakan, nagtamo ng malalaking bitak ang istraktura ng simbahan nitong nakaraang lindol noong Abril 22, 2019. 

Partikular na isinasaayos dito ang kampanaryo, harapan o ang façade nito at ang likuran ng retablo o ang pangunahing altar, kung saan nakita ang mga bitak. 

Tiniyak naman ng Municipal Engineering Office ng Bulakan na ligtas pa ring pagdausan ng mga panrelihiyong gawaing ang loob ng simbahan. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews