Pormal nang inilagak ang panandang pang-alaala kaugnay sa pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
Ang paglalagak na ito ay itinaon kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Bulacan kung saan nagsilbing panauhing pandangal sa paghahawi ng pananda si Senate Majority Leader Joel Villanueva.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, personal sa kanya ang kahalagahan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
Sa panahon ng kanyang pagiging isang high school na kabataan, dito niya nadiskubre ang talento sa pag-arte at unang naranasang umarte sa harap ng maraming tao dahil sa mga sinalihang iba’t ibang workshop.
Para sa gobernador, isa lamang ang kanyang karanasan sa maraming kabataang Bulakenyo na dito sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center unang ipinanday ang mga husay at galing sa iba’t ibang sining.
Pinakamalaking bahagi ng dalawang palapag na istraktura nito ay ang Nicanor Abelardo Auditorium na karaniwang pinagdadausan ng mga teatro, konsiyerto at maging mga acting workshops. Dati itong in-the-round na auditorium kung saan may mga bleachers sa apat na mga gilid ng entablado.
Mula nang isailalim sa rehabilitasyon noong 2017, isinunod na ang disenyo nito sa isang movie theater kung saan ang ayos ng mga silya ay pataas mula sa unahan hanggang sa huli.
Tahanan din ang Hiyas ng Bulacan Cultural Center ang Guillermo Tolentino Exhibition Lobby, Bulacan Provincial Library at ang Hiyas ng Bulacan Museum na ngayo’y fully air conditioned na.
Sa Agosto 30, sasapit ang Ika-51 Taong Anibersaryo ng cultural center na magiging pagsasara naman ng isang taong pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo.
Kaugnay nito, nanawagan si Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office, na mahanap ang nawawalang orihinal na pananda nitong Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
Iyon ang panandang ikinabit sa isang bahagi ng pader ng istraktura nang pasinayaan ito ni noo’y Unang Ginang Imelda Marcos noong Agosto 30, 1971.
Hindi na nakita ang nasabing pananda mula nang isailalim ito sa rehabilitasyon noong 2017.
Samantala, hangad ng Kapitolyo na ang paglalagak ng panandang pang-alaala ay magbunsod para masimulan ang proseso upang maideklara ang Hiyas ng Bulacan Cultural Center bilang Important Cultural Property ng National Museum of the Philippines. (CLJD/SFV-PIA 3)