Sumailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT PCR) o swab testing ang 87 mga frontliners sa bayan ng Pandi, Bulacan sa tulong ng pamahalaang lokal dito nitong Huwebes.
Ang mass swab testing ay isinagawa sa mga frontliners na kinabibilangan ng mga doctor, nurse, pulis, sundalo, bumbero, at kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at empleyado ng munisipyo sa covered court ng Barangay Poblacion.
Ito ay sa inisyatibo ng pamahalaang lokal ng Pandi sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque katuwang ang Municipal Health Office (MHO) sa pangunguna ni Dra. Maricel Atal at Raymond Austria ng MDRRMO.
“Importanteng malaman ng mga frontliners na negatibo sila para sa peace of mind na rin ng kanilang pamilya,” wika ng alkalde.
Nabatid na ang programa ay may temang “One Fine Day With The Frontliners, Protect The Protectors” kung saan ang mga nasabing frontliners ang siyang mga bayani ngayong panahon ng pandemiya.
“Ito ay programang magbibigay ng lakas at sigla sa ating mga frontliners para harapin ang hamon sa ating kalusugan dulot ng Covid-19,” ayon kay Mayor Roque.
Ayon pa kay Roque, nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Pandi sakaling magkaroon man ng magpo-positibo at ito ay agad na dadalhin sa Action Pandi Home Quarantine Facilitiy na mayroong 72 bed capacity.
Nanguna si Roque sa nagpa-swab test at sinundan ni Municipal Secretary Arman Concepcion, Councilor Jonjon Roxas, Dr. Noel Esteban ng Rural Health Unit bago ang mga nabanggit na iba pang frontliners.
Nabatid na una nang sumailalim sa required swab test kamakailan ang 20 frontliners at kasunod ang 67 pang frontliners.
Hiling naman ni Dr Rusty Francisco, chairperson ng Department of Public Affairs Committee ng Philippine Nurses Association (PNA) at siyang nag request sa alkalde upang maisakatuparan ang nasabing inisyatibo na sana aniya ay maisagawa rin ito ng lahat ng local government unit sa buong bansa partikular na sa apektado ng nasabing pandemiya.
“Meron mga frontliners na from the very beginning hindi natetest kaya naman nagpapasalamat tayo kay Mayor Roque sa agarang aksyon at sana ay sundan din ng iba pang LGUs,” wika ni Dr. Francisco.
Sa kasalukuyan ay 47 ang confirmed cases kung saan 3 dito ang active cases, 41 ang recoveries at 3 ang nasawi.