Pang-apat na tunnel na magkakabit sa Ipo, Angat Dam nakumpleto na

NORZAGARAY, Bulacan — Buo na ang pang-apat na higanteng lagusan o tunnel na nag-uugnay sa Ipo Dam at Angat Dam sa bayan ng Norzagaray.

Bahagi ito ng proyektong Angat Water Transmission Improvement Project na inilunsad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS noong 2016.

Ayon kay MWSS Head Technical Assistant Susanne Sta Maria, nagpahiram ng 123 milyong dolyar ang Asian Development Bank o ADB sa MWSS para makapagbaon ng pang-apat na tunnel sa ilalim ng bahaging ito ng bulubundukin ng Sierra Madre. 

Aabot sa 6.4 kilometro ang haba ng inilatag na Tunnel mula sa Bigte Reservoir ng Angat Dam papuntang Ipo Reservoir. Padadaliin ng proyektong ito ang paghahatid ng suplay ng tubig mula Angat Dam patungong Metro Manila, Rizal, ilang bahagi ng Cavite at paghahanda na rin sa kabuuang operasyon ng Bulacan Bulk Water Supply Project. 

Sa pagkukumpleto ng proyekto, kaya nitong makapagbomba ng 19 cubic meters per second na tubig na katumbas ng 1.6 milyong litro kada araw. Magiging alternatibong lagusan din ang pang-apat na tunnel kapag isinara ang tatlong lumang tunnel ng Angat Dam upang kumpunihin. 

Dahil sa istratehiyang ito, hindi mapuputol ang suplay ng tubig sa nabanggit na mga lugar dahil patuloy na dadaloy ang tubig sa pamamagitan ng ikaapat na Tunnel. 

Isa na itong permanenteng tunnel na kahit na matapos kumpunihin ang tatlong lumang tunnel, gagana pa rin ito nang sabay.

Ang Angat Dam ay nagsusuplay ng 95 porsyento ng pangangailangan sa tubig ng buong kalakhang Maynila. 

Nakakarating ang tubig patungo sa mga distributor nitong Maynilad at Manila Water, na pawang mga pribadong konsesyonaryo ng MWSS, sa pamamagitan ng Ipo bilang transmission dam.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews