Isa nang ganap na ordinansa sa buong lalawigan ng Nueva Ecija ang pagbibigay proteksyon sa mga lupaing ninuno ng mga katutubo.
Ayon kay Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative Board Member Emmanuel Domingo, nakapaloob sa ipinasang Kautusan Bilang 24 serye 2021 na pinamagatang “The Protection of Ancestral Domains in the Province of Nueva Ecija” ang pagbabawal sa pagbebenta, paglilipat at paggawa ng anumang hakbang na maaaring makasama o magpaalis sa karapatan ng mga katutubo sa mga lupaing ninuno.
Aniya, binusisi at inaral mabuti ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa kung paano iaangkop, magkakaroon ng pangil at magiging matibay na basehan sa pangangalaga ng mga lupaing ninuno o ancestral domain sa lalawigan.
Pahayag ni Domingo, kauna-unahan ang lalawigan ng Nueva Ecija na magkaroon ng ordinansa na tumututok sa pangangalaga ng lupaing ninuno ng mga katutubo.
Bagamat matagal na aniyang naisabatas ang Indigenous Peoples Rights Act o IPRA ay iminumungkahi pa din ng National Commission on Indigenous Peoples na magkaroon ng kagayang ordinansa sa mga lokalidad.
Unang nagiging biktima sa mga usaping may kinalaman sa lupaing ninuno ay ang mga katutubo na ang marahil o maaaring dahilan ay kakulangan sa kaalaman tungkol sa IPRA at kanilang mga karapatan.
Ayon pa kay Domingo, makatutulong ang pagsusulong ng mga kagayang ordinansa upang maipaalam sa mga katutubo at hindi katutubo ang mga pananagutan at karapatan ng sektor.
Mayroong kaukulang parusa ang sinumang sisira at hindi susunod sa nasabing kautusan na may katumbas na pagpipiyansa at pagkakakulong.
Pahayag ni Domingo, kabilang sa mayroong malawak na ancestral domain sa Nueva Ecija ang mga Domaget na naninirahan sa mga bayan ng Gabaldon, General Tinio, at Palayan gayundin ang mga Kalanguya sa bayan ng Carranglan.
Aniya bilang IPMR o kinatawan ng mga katutubo sa buong lalawigan ay kaniyang hangad na maging tagapamagitan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kapwa katutubo gaya ang pangangailangan sa kasalukuyan na pangkabuhayan.
Pasasalamat ang ipinaaabot ni Domingo sa buong pamahalaang panlalawigan na patuloy ang suporta at pagbibigay malasakit para sa mga katutubo.