LUNGSOD NG TARLAC — Sinusuportahan ng pangatlong haligi ng Constitutional Reform o CORE ang programa ng pambansang pamahalaan na Balik Probinsya kung saan naisin nitong dalhin muli sa kanayunan yung mga nawalan ng trabaho sa Metro Manila dahil sa nararanasang pandemya.
Sa isinagawang CORE Virtual Kapihan for Central Luzon media, sinabi ni Center for Strategy, Enterprise and Intelligence Director Gary Olivar na isa sa mga layunin ng CORE ang Buksan ang Ekonomiya nang Lahat ay may Pag-asa.
Ayon kay Olivar, hindi lamang magdudulot ang pagbubukas ng ekonomiya ng mas maraming trabaho kundi pati na rin ang pag-angat ng Pilipinas upang makasabay sa ekonomiya ng ibang bansa.
Sa kanyang pagpapaliwanag, nakasaad sa kasalukuyang Saligang Batas ang maraming dahilan kung bakit nalilimitahan ang mga nais magtayo ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan aniya, Pilipinas ang pinakasarado sa mga malalaking bansa sa Timog Silangang Asya kung saan pinakamababa ang foreign investment at pinaka-kulelat sa imprastraktura kaya naman mabagal ang pag-unlad nito.
Samantala, pinabulaanan ni Olivar ang isyu patungkol sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan.
Ayon sa kanya, ang pag-aari ng lupa lalo na sa mga magsasaka ay mananatiling sa mga Pilipino lamang.