LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Bukas na ang pangatlong Malasakit Center sa Bulacan na matatagpuan sa pinalaking Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte.
Pinangunahan ni Senador Bong Go ang pagpapasinya ng pasilidad na pang 156 na sa buong Pilipinas.
Ayon kay Go, isa itong one-stop shop kung saan matatagpuan sa iisang opisina ang Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Health Insurance Corporation, Department of Social Welfare and Development, at Department of Health o DOH.
Maglalagay din dito ng pwesto ang Overseas Workers Welfare Administration.
Naitatag ang Malasakit Center bilang isang institusyon sa bisa ng Republic Act 11463 upang magkaroon ng iisang puntahan ang mga mahihirap na pasyente at pamilya nito upang mailapit ang iba’t ibang kahilingan sa tulong medikal at maging sa suplay ng gamot.
Ayon kay Mayor Arthur Robes, matatagpuan ang Malasakit Center sa ikalawang palapag ng bagong tayo na expanded building ng naturang ospital.
Ito’y upang mas maging madaling mapuntahan ng mga pasyenteng naka-confined dito at maging ng mga hindi naka-confine na taga-lungsod pati na ng mga mahihirap na naninirahan sa kalapit na mga bayan.
Nagpasadya ang lokal na pamahalaan ng isang partikular na espasyo sa expansion project nitong ospital upang paglagyan ng Malasakit Center.
Apat na palapag ang bagong tayong expansion ng Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte kung saan nasa 50 milyong piso ang ginugol ng pamahalaang lungsod.
Sinabi ni Ronnel Castro, development management officer ng DOH Bulacan, nasa 12 milyong piso naman ang naiambag ng ahensya para sa proyekto mula sa Health Facility Enhancement Program.
Dahil sa pagpapalaki nitong ospital, nadagdagan ng inisyal na 28 ang bed capacity mula sa dating 95 na kapasidad.
Tugon ito sa patuloy na dumaraming pasyenteng nako-confined na umaabot sa mahigit 200 na katao. (CLJD/SFV-PIA 3)