Pangulong Duterte, opisyal nang binuksan ang ika-30 SEA Games

BOCAUE, Bulacan — Pormal nang binuksan kagabi ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang ika-30 South East Asian Games o SEA Games sa isang seremonya sa Philippine Arena.

Ang pagdalo nina Pangulong Rodrigo R. Duterte at Brunei Sultan Hassanal Bolkiah sa Opening Ceremony ng ika-30 South East Asian Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. (PCOO)

Dumalo rin sa naturang okasyon si Brunei Sultan Hassanal Bolkiah upang suportahan ang kanyang koponan kung saan ang ilan sa kanyang mga kaanak ay manlalaro.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni House Speaker at Philippine SEA Games Organizing Committee Chairperson Alan Peter Cayetano ang bawat atletang kalahok dahil sa pinamamalas nilang lakas, talino, sakripisyo at displina. 

Giit niya, ang mga bansa sa Southeast Asia ay karapat-dapat igalang dahil sa taglay nitong paniniwala sa pagtutulungan at respeto sa isa’t-isa. 

Bukod sa Pilipinas at Brunei, kalahok din sa SEA Games 2019 ang Cambodia, Lao PDR, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste at Vietnam.

Naging tampok sa Opening Ceremony ang pagtatanghal nina Apl.de.ap, Lani Misalucha, KZ Tandingan, Elmo Magalona, Iñigo Pascual, Christian Bautista, Aicelle Santos-Zambrano, Jed Madela, TNT Boys, Anna Fegi, Ramon Obusan Folkloric Group at mga student peformers mula sa iba’t ibang mga kolehiyo at pamantasan.

Malakas na sigawan ang sumalubong sa pagpasok ng humigit kumulang isang libong atleta ng Team Pilipinas sa saliw ng kantang “Manila” ng Hotdog. Nagsilbing flag bearers ng koponan sina Meggie Ochoa ng jiu-jitsu, Margielyn Didal ng skateboarding, EJ Obiena ng pole vault, Eumir Marcial ng boxing at Kiyomi Watanabe ng judo.

Pinangunahan naman nang walong Filipino sports legend ang pagdala ng SEA Games Federation Flag. Kabilang na riyan sina Alvin Patrimonio ng basketball, Efren Reyes ng billiards, Mansueto Velasco ng boxing, Lydia de Vega ng athletics, Bong Coo ng bowling, Paeng Nepomuceno ng bowling, Eric Buhain ng swimming at Akiko Thomson ng swimming.

Nagsilbing ring highlight ng aktibidad ang pagsindi ng cauldron sa New Clark City sa Capas, Tarlac nina boxing icon at Senador Manny Pacquiao at Women’s Boxing World Champion na si Nesthy Petecio.

May kabuuang 530 events sa 56 sports ang paglalaban ng 11 bansa sa naturang biennial meet na idaraos hanggang ika-11 ng Disyembre sa apat na clusters: Clark, Subic, Manila at Southern Luzon.

Natapos ang Opening Ceremony sa Philippine Arena sa isang pyrotechnics display matapos sindihan nina boxing icon at Senador Manny Pacquiao at Women’s Boxing World Champion na si Nesthy Petecio ang cauldron sa New Clark City sa Capas, Tarlac. (Mar Jay Delas Alas/PIA 3)
WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews