PANTABANGAN, Nueva Ecija — Pinangunahan ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles ang pagbubukas ng National Irrigation Administration o NIA Pantabangan Lake Resort Hotel sa Nueva Ecija.
Ayon kay Nograles, mahalagang naibalik muli sa NIA ang pagmamay-ari ng pasilidad at ngayon ay mapakikinabangan ng tanggapan sa mga gampanin at programa para sa mga magsasaka.
Aniya, 1970s pa nang itayo ang pasilidad bilang tuluyan ng mga bisita mula World Bank at iba’t ibang sangay ng pamahalaang nagsasagawa ng irrigation projects sa lugar subalit taong 1999 ng malipat ang pamamahala sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija at nagsimula ding pangasiwaan ng isang pribadong kumpanya mula Korea.
Kaniyang pahayag, ito ay mahalagang tagumpay ng NIA na magagamit din ng publiko at dagdag potensiyal sa pag-unlad ng turismo at ekonomiya sa rehiyon.
Ang hotel ay mayroong function hall na kasya ang nasa 150 bisita, 17 standard room, tig-isang manager at administrator’s suite, restaurant, veranda na tanaw ang Pantabangan Dam at Sierra Madre Mountain Ranges, bukod pa ang nakalinyang paggawa ng swimming pool at iba’t ibang recreational activities.
Pahayag naman ni NIA Administrator Ricardo Visaya, nakapanghihinayang na hindi nagagamit ang pasilidad kung kaya’t ipinaayos ng tanggapan na may kaugnayan sa isinusulong na programang gawing tourist destination ang mga nasasakupang dam at reservoir facility sa bansa.
Maliban aniya sa pagpapatubig ay nakatutulong ang mga pasilidad sa pagdaragdag kita na kailangan ng tanggapan bilang Government-Owned and Controlled Corporation, lalo ngayong libre na ang pagpapatubig sa mga nagsasaka ng walong o mas mababang ektaryang bukirin.
Sa kanyang tantiya ay nasa isang bilyong piso ang nawala sa kita ng NIA mula sa libreng patubig kung kaya’t patuloy na naghahanap ng pamamaraan ang tanggapan upang lumawak ang suportang ibinibigay ng gobyerno sa mga magsasaka at irrigator’s association sa bansa.
Bukas naman aniya ang naturang pasyalan sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong kumpanya na maaaring pagdausan ng iba’t ibang aktibidad.
Kaugnay nito ay pinuri ni Nograles ang pamunuan ng NIA sa paglulunsad ng mga programa sa ikatatatag ng tanggapan, pagtulong sa mga magsasaka at pangangalaga ng kalikasan at water resources.
Matatagpuan ang naturang hotel sa barangay Fatima, bayan ng Pantabangan. Para sa reservation o inquiries, maaring tumawag sa mga numerong 0997-255-5012 at 0946-061-5042. (CLJD/CCN-PIA 3)