#Tuloy na Tuloy pa rin ang Pasko!
Buhay na buhay sa isip at puso ng mga Fernandino at mga Kapampangan ang paggunita sa papalapit na araw ng Pasko ngayong pagpasok ng “ber months”.
Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap natin dahil sa pandemya, patuloy pa rin ang paninindigan ng Syudad ng San Fernando sa taguri dito bilang “Home of the Giant Lanterns” at “Christmas Capital of the Philippines”.
Bagama’t malaki ang naging epekto ng paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19 at ng mga nangyaring lockdowns sa industriya ng pagpaparol sa syudad, nangako ang pamahalaang lungsod na patuloy itong aagapay sa nasabing industriya upang unti-unti itong makabangon.
Ayon kay Mayor Edwin Santiago, mayroon ng inaprubahang programa ang lungsod na naglalayong suportahan ang mga rehistradong magpaparol sa mga gagamitin nilang materyales.
Aniya, ilang porsyento ng mga materyales na ito ay gagamitin sa paggawa ng mga abot-kayang parol na eksklusibo lamang para sa mga Fernandino. Sa ganitong paraan aniya ay hindi lamang makatutulong ang lokal na pamahalaan sa mga magpaparol, kundi mabibigyan din ng pagkakataon ang mga Fernandinong makabili ng mga parol sa murang halaga.
Samantala, positibo pa rin ang pananaw ng mga nasa nasabing industriya. Malamlam man ang bentahan ngayong taon kumpara noong nakaraan, marami pa rin ang mga namimili sa kanila dahil ayon sa mga ito, hindi pwedeng ipagpaliban ang Pasko.
Paniwala nila, ang parol ay hindi lamang isang palamuti kundi isang simbolo ng pag-asa para sa lahat na nag-ugat sa Star of Bethlehem na nagturo sa Tatlong Hari kung saan isinilang si Hesu Kristo.
Dahil dito, nagpahayag ng kahandaan ang mga magpaparol na makipagtulungan sa syudad para mailawan ang kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue.
Katulad ng nakagawian na, sinabi ni Santiago na sisimulan ang pagpapalamuti sa mga pangunahing kalsada ng lungsod sa Nobyembre 15 hindi lamang upang magbigay ng galak sa mga dumaraan kundi upang ipahatid ang mensahe ng pag-asa sa bawat isa.
Bukod sa bentahan ng parol, apektado rin ang pagsasagawa ng Ligligan Parul o Giant Lantern Festival ngayong taon na isa sa mga pinakaabangang kaganapan at atraksyon, na dinarayo hindi lamang ng mga lokal kundi maging ng mga banyagang turista.
Pag-amin ni Santiago, mahihirapan silang ituloy ang Giant Lantern Festival dahil bawal pa ang malakihang pagtitipon ayon sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.
Gayunman, tiniyak ng alkalde na hindi mapuputol ang tradisyong ito dahil bahagi na ito ng pamumuhay at kultura ng mga Fernandino. Aniya, walang magaganap na kumpetisyon sa taong ito ngunit magkakaroon pa rin ng Giant Lantern Exhibition sa mga piling lugar mula Disyembre 19.
Sa ngayon aniya, naghahanap ang syudad ng mga Giant Lantern makers at mga barangay na interesadong isaayos at pagandahin pa lalo ang mga dati na nilang obra para sa naturang exhibit.
Siniguro naman ni Santiago na pinag-aaralang mabuti ng Giant Lantern Festival o GLF 2020 Technical Working Group ang festival upang makapagbigay ng mga rekomendasyon para sa ligtas na pagsasagawa nito para sa mga lalahok at manonood. Isa sa mga pinag-aaralan ng komite ang pagsasagawa ng pre-registration sa mga gustong makapanood ng exhibit at makapagpalitrato sa mga higanteng parol, upang masunod ang social distancing.
Isa rin aniya sa mga kinokonsidera ng grupo ang konsepto ng drive-in festival at pagpapalakas ng naturang kaganapan gamit ang mga alternatibong pamamaraan katulad ng online platforms upang mas maraming tao ang maabot nito.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan at GLF committee na pansamantala lamang ito, at sa unti-unting pagbabalik sa normal ng sitwasyon, mas pag-iibayuhin pa nila at pagagandahin ang pagsasawa ng Ligligan Parul sa mga susunod na taon.
Ayon nga sa punong lungsod, pansamantala lamang ang mga hamong dulot ng pandemya, ngunit permente ang industriya ng pagpaparol na nakaangkla na sa kultura ng bawat Fernandino.
Anumang hamon ng buhay, tuloy pa rin ang Paskong Fernandino. Tuloy pa rin ang industriya ng pagpaparol na siyang sumisimbolo sa pagkakaisa ng bawat Fernandino.