Pastor na dating hoodlum nagsagawa ng 40-day ‘support blessings’

Mula sa liblib na lugar sa Barangay Sibul, San Miguel, Bulacan, isang dating tinaguriang kilabot at hoodlum na ngayon ay isa nang pastor ang gumagawa ng pagtulong sa kaniyang nasasakupan at sa karatig barangay sa pamamagitan ng tinawag niyang “support blessings” na kakaiba sa community pantry.

Ang kakaiba rito ay bukod sa ipinamimigay niyang bigas, gulay, delata, kape, mga damit ay mayroon pang pamasaheng bukod para sa mga senior citizen na kung saan ay hindi bababa sa 400 hanggang 500 katao ang araw-araw na pumipila sa kaniyang tahanan.

Siya ay si Pastor Ronnie Santos ng Hesus, Grasiosong Diyos na Nagpapalaya at Nagpapagaling ay mula sa Barangay Sibul at dating kriminal na walang direksyon ang buhay hanggang sa masangkot sa isang krimen, nakapatay at nakulong ngunit binago ng Diyos ang pananaw mula nang magbalik-loob sa Panginoon.

Ang kaniya ngayong ginagawang pamamahagi ng ayuda ay nasa ika-29 na araw na (Mayo 20) kung saan ayon kay Pastor Ronnie ay magtatagal pa hanggang 40-50 araw.

Ang nasabing “support blessings” ay naiiba dahil ang kaniyang pamamaraan ay mas maayos at sistematiko ang pamamahagi ng naturang mga biyaya na mas epektibo kumpara sa community pantry.

Bawat benepisyaryo ay tatanggap ng tig-dalawang supot ng mga nabanggit na pagkain at mayroon pang kasamang 2 pirasong damit na kanilang pipiliin mula sa kaloob na ukay-ukay at may karagdagan namang P40 para sa mga senior citizen at Persons With Disabilities (PWD).

Katuwang lamang ni Pastor Ronnie ang kaniyang may-bahay, mga anak, kapatid, tiyahin na tulong-tulong sa pamamahagi at pagpapatupad ng standard health protocol para iwas sa hawahaan ng virus.

Ayon kay Santos, sinisimulan araw-araw bandang alas-kuatro ng hapon ang pamamahagi ng nasabing ‘support blessings’ upang makaiwas sa init ng araw ang mga pumipila at maiwasan ang aksidente tulad ng senior citizen na namatay sa pagpila dahil daw sa init sa isinagawang community pantry ng artistang si Angel Locsin.

Kuwento nito, nagsimula lamang siya sa halagang P5,000 ng sari-saring food packs na kaniyang ipinost sa social media at mula noon ay marami nang nagpadala sa kaniyang bahay mula sa ibat-ibang sponsor na aniya ay hindi naman niya nakakausap at hiningan hanggang sa patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga suporta at isa na rito si Governor Daniel Fernando na nangakong susporta hanggang sa huli.

“Una, nagpapasalamat tayo sa Panginoon at ginamit niya ako sa gawaing ito.  Kapag ang Diyos ang nag-utos.. siya ang kikilos, siya ang magtutustos,” ayon kay Santos.

Si Santos ay naging close-in security ng ilang mga pulitikong noong late-90’s, at taong 2001 ay nasangkot sa ibat-ibang engkuwentro, patayan, at naging kilabot at kinatakutan sa kaniyang lugar hanggang sa makulong noong taong 2003.

Aniya, nang makulong siya ay dito niya nakilala ang Panginoon, tinalikuran ang masamang gawain at nagsimulang magbagong buhay. Naging preacher siya sa Bulacan Provincial Jail taong 2011-2016 at patuloy na ibinabahagi ang salita ng Diyos bilang isang religious political adviser.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews