LUNGSOD NG PALAYAN — Binigyang halaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gampanin ng Special Forces Regiment Airborne (SFRA) ng Philippine Army sa pangangalaga sa seguridad ng bansa.
Panauhing pandangal si Marcos, na miyembro ng Special Forces Operations Course Class 21A-79, sa pagdiriwang ng ika-61 anibersaryo ng SFRA sa Fort Magsaysay, lungsod ng Palayan.
Sa mensahe ng Pangulo ay kaniyang binati ang katatagan at kahusayan ng bawat miyembro ng SFRA sa pag-aalay ng buhay sa paglilingkod sa publiko sa muling pag-alala sa hindi malilimutang kasaysayan ng rehimyento simula taong 1962 sa pamumuno pa ng noo’y Kapitan at naging Pangulo ng bansa na si Fidel Ramos.
Sa pagkakaroon ng malawak na kasanayan sa unconventional warfare at mga kagamitan gayundin ang pagpapamalas ng kakayahan at propesyunalismo ay napatunayan ng SFRA ang mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bansa mula sa paglaban sa mga teroristang grupo at pagsuporta sa mga operasyong pangkapayapaan.
Inihalimbawa ng Pangulo rito ang naging pagresponde at pagligtas ng 4th Special Forces Battalion sa 316 indibidwal mula sa nasusunog na marine vessel sa lungsod ng Isabela sa Basilan na nangyari nito lamang buwan ng Marso.
Bago natapos ang talumpati ng Pangulo ay kaniyang hinihikayat ang buong hanay na patuloy suportahan ang sambayanang Pilipino lalo na sa oras ng krisis, kasabay ng maaasahang pagsuporta ng administrasyon sa pagpapalakas ng kapasidad at kapakanan ng bawat kasundaluhan at ng kanilang pamilya.
Bilang tampok sa anibersaryo ng SFRA ay pinangunahan din ni Marcos ang paggawad ng parangal sa mga natatanging personnel, yunit at stakeholder sa kanilang huwarang pagganap at kontribusyon sa mga isinusulong na inisyatibo ng rehimyento.
Kabilang sa mga kinilala ay si Captain Mario Anton Balaram Tamayo na nakatanggap ng Distinguished Conduct Star dahil sa kaniyang katapangan at katatagan ng loob nang makipaglaban sa 30 komunistang terorista sa Talakag, Bukidnon.
Tumanggap din ng Gold Cross Medal sina Technical Sergeant Roel Moreno, First Lieutenant Brayle Bato, Sergeant Winston Berja at Lieutenant Colonel Dax Jacinto Barinos samantalang ipinagkaloob ang Silver Cross Medal kay Colonel Rosendo Abad Jr.
Itinanghal naman na Best Junior Officer si Captain Jeffrey Ladislao, Best Enlisted Personnel si Technical Sergeant Dennis Patacsil, Best Officer Instructor si Captain Clint Achilles Ramos, at Best Enlisted Personnel Instructor si Staff Sergeant Ramsy Dela Cruz.
Para sa Unit Combat Award ay kinilala ang 33rd Special Forces Company na sinundan ng pagpaparangal ng Army Governance Pathway Proficient Status with Gold Trailblazer sa buong hukbo ng SFRA bilang patotoo ng mabuting pamamahala.
Samantala, kasama sa mga stakeholder awardees sina Pangantucan, Bukidnon Mayor Miguel Silva Jr.; MJB Cares Foundation Founder Mary Joy Bustamante; Philippine Army 3rd Field Property Accountability Office Chief Nenita Quismundo.
Ipinagkaloob naman ang Lifetime Achievement Award kay retired First Chief Master Sergeant Lito Tompayogan.
Maliban sa pagpaparangal ay ipinagkaloob din ng Special Forces Special Education Foundation, Inc. ang scholarship support sa mga benepisyaryong estudyante na kinatawan ni Desrie May Balayanto.
Sinaksihan din ni Marcos ang capability demonstration ng SFRA partikular ang kanilang husay sa pagsasagawa ng Military Free Fall gayundin ang pagkakaroon ng sariling Battle Management System na karaniwang ginagamit sa mga high-risk mission tulad ng sabotage at direct-action raid na kanilang ipinakita sa pamamagitan ng mga scenario. (CLJD/CCN-PIA 3)