LUNGSOD NG GAPAN — Hangad ng Presidential Communications Operations Office o PCOO na umagapay sa pag-aaral ng mga estudyante ngayong may pandemya ng coronavirus disease.
Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, panukala nila sa Department of Education na gamitin ang IBC 13 bilang opisyal na istasyon katuwang ang Philippine Broadcasting Service upang mai-ere ang mga aralin mula Kindergarten hanggang Grade 12.
Sa pamamagitan ng broadcasting system ay nais magtuloy-tuloy at mabigyang halaga ang pag-aaral ng mga kabataan kahit nasa gitna ng health crisis ang bansa.
Banggit ni Andanar, sa edukasyon nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan.
Kaugnay nito ay kaniya ding pinuri ang inisyatibo ng pamahalaang lungsod ng Gapan na maglalatag ng internet connection sa nasasakupan bilang pamamaraan upang makapag-aral muli ang mga estudyante.
Aniya, hindi lahat ng pamilya ay may kakayahang makapagpakabit ng internet sa tahanan, makabili ng mga gadget na magagamit ng mga supling sa pag-aaral kung kaya’t magiging malaking tulong itong proyektong naisip ng pamahalaang lokal para sa mga mamamayan ng Gapan.
Pahayag ni Gapan City Mayor Emerson Pascual, sa naturang proyekto ay tanging 50-piso lamang ang babayaran kada buwan ng mga magpapakabit ng internet, walang ding babayaran sa installation dahil sasagutin ito ng lokal na pamahalaan.
Tatlong linggo aniya mula ngayon ay inaasahang mailalatag na sa siyudad ang fiber optic na magtatagal ng halos isang buwan kasunod na nito ay mag-dedesisyunan ang pamahalaang lokal ng kumpanyang magsusuplay ng internet sa buong siyudad. (CLJD/CCN-PIA 3)