LUNGSOD NG CABANATUAN — Isang rescue team ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Nueva Ecija ang tutulong sa recovery operation sa Baguio.
Ayon kay PDRRMO Chief Michael Calma, ito ay sa pasya ni Governor Czarina Umali upang umagapay sa pinsalang naidulot ng bagyong Ompong sa naturang lungsod.
Aniya, tutulong ang pitong miyembro ng kanilang rescue unit sa kasalukuyang paghahanap sa mga nawawalang biktima ng landslide.
Bagamat hindi nakakapasok ang mga malalaking kagamitan sa pinangyarihan ng insidente ay may sariling kagamitang dadalhin ang grupo para makatulong sa mano-manong paghuhukay.
Gayundin ay ipadadala ng pamahalaang panlalawigan ang mobile kitchen upang magbigay ng libreng makakain sa mga biktima, kanilang pamilya gayundin ang mga indibidwal at grupo na tumutulong sa operasyon.
Pahayag ni Calma, bukas, ika-19 ng Setyembre nakatakdang tumungo ang grupo sa lungsod ng Baguio kasabay ng iba pang mga local DRRM mula sa rehiyon.
Samantala, patuloy ang pagsisiyasat ng mga ahensya ng pamahalaan hinggil sa estado ng mga nasirang ari-arian sa agrikultura at imprastruktura dulot ng bagyong Ompong sa lalawigan.
Batay sa inisyal na datos ng PDRRMO ay aabot na sa 63 milyong pisong halaga ang nasirang pananim na mga gulay at prutas.
Iba pa ang nasa 2.7-bilyong pisong halaga sa palayan at 1.8-milyong piso sa mais.