ALIAGA, Nueva Ecija — Pinangasiwaan ng mga kasundaluhan ng 69th Infantry Battalion ang pagdaraos ng Peace Forum sa mga mag-aaral, magulang at guro ng Restituto Peria National High School.
Ayon kay 69th IB Commander Lieutenant Colonel Arcadio Posada, bahagi ito ng kampanyang mapalawak ang kamalayan ng mga kabataan mula sa maling paghihikayat ng mga makakaliwang grupo.
Ibinahagi sa 400 kalahok sa aktibidad ang kinasapitan ng mga simpleng kabataang nahikayat na umanib sa grupo ng CNTs o Communist New People’s Army Terrorists gayundin ang ipinagbabawal na pagdadamit sundalo at pulis ng sinumang sibilyan na may katumbas na parusa.
Ipinaliwanag din ni Police Staff Sergeant Ferluenz Saghagun ng Aliaga Police Station ang Batas Republika Bilang 9165 o ang mas kilalang Comprehensive Drug Act of 2002.
Matapos mapakinggan ang mga pagtuturo ay ikinalungkot ni Diane Nedua bilang isang guro na malamang nagagamit ang mga kabataan sa mga karahasan at paglaban ng mga rebeldeng grupo sa gobyerno.
Pahayag ni 7th Infantry Division Commander Major General Lenard Agustin, patuloy nang dumarami ang mga Pilipinong nalilinawan sa tunay na kalagayan ng bansa kontra terorismo.
Kaniyang ibinalita na sa lalawigan ng Aurora ay mismong grupo ng mga mamamahayag ang nagdeklara ng persona non grata sa mga rebeldeng grupo.
Kaugnay nito ay patuloy ang panawagan ni Agustin sa iba pang mga kababayang tumugon sa pangangailangang kapayapaan ng bawat komunidad nang sa gayon ay maiparating at maipaunawa sa mga miyembro ng CNTs ang maling ipinaglalaban taliwas sa naising kapayapaan ng sambayanang Pilipino. (CLJD/CCN-PIA 3)