LUNGSOD NG CABANATUAN — Nasa 31 samahan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nakiisa sa isinagawang peace rally sa Cabanatuan.
Kabilang sa mga lumahok sa aktibidad ang pederasyong Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan Para Sa Kasaganahan at Kapayapaan na nagpahayag na dapat nang wakasan ang presensiya ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front o CPP-NPA-NDF sa bansa upang matigil na ang mga masasama at ilegal nilang gawain.
Ayon sa grupo, hindi na naniniwala ang taumbayan sa mga pangakong hindi naman natutupad ng mga teroristang grupo, na ilegal na nag-oorganisa ng mga inosenteng mamamayan gamit ang kanilang mga isyu para lasunin ang isipang mag-aklas laban sa gobyerno.
Hinangaan naman ni 703rd Infantry Brigade Commander Colonel Joseph Norwin Pasamonte ang tapang at sinseridad ng mga pederasyong nanguna at nagkaisa sa idinaos na peace rally upang maipakita sa taumbayan ang tunay na mukha ng mga teroristang grupo na nagtatago sa likod ng kanilang huwad na pangako.
Kaniya ding sinabi na dahil sa pinaigting na mga programa ng pamahalaan ay namulat na ang mga miyembro ng iba’t ibang sektor na dating nabulag sa mga pangako ng pagbabago ng mga teroristang grupo.
Ang mga mamamayan na mismo ngayon ang nangunguna para kondenahin ang mga panlilinlang na gawain ng CPP-NPA-NDF.
Katulad sa panawagan ng mga pederasyong naglunsad ng peace rally ang mensahe ni Pasamonte sa mga mga natitira pang miyembro ng NPA at NDF na magbalik loob na sa pamahalaan at iwanan na ang huwad na ideolohiya na itinanim ng makakaliwang grupo, bagkus makiisa na sa gobyerno tungo sa totoong kasaganahan at pangmatagalang kapayapaan para sa kinabukasan ng mga anak at susunod na henerasyon.
Itinaon ang naturang peace rally sa ika-49 na anibersaryo ng NDF na hindi lamang sa Nueva Ecija idinaos kundi sa 12 pang ibang lugar sa bansa.