MARIVELES, Bataan — Araw ng Linggo, Setyembre 20, 2020 ay personal na muling pinuntahan, kinumusta at binigyan pa ng pagkain ni Mariveles Mayor, Atty. Jocelyn “JoCas” P. Castañeda (naka-pulang PPE) ang mga kababayan niyang nag-positibo sa COVID-19.
Kasama sina MIS Head Jonathan Dela Cruz at Pharmacist Kimberly Pascual at hindi alintana ang panganib na mahawa sa nakamamatay na sakit, personal niyang pinangunahan ang pagpunta sa mga pasyente sa dalawang magkahiwalay na lugar na mga isolation facilities.
Ayon kay Mayor Castañeda sa panayam ng media via phone call, nais umano niyang malaman ng personal ang kanilang mga pangangailangan at matugunan ito ng agaran.
“Gaya na lamang ng isa nating pasyente dito sa MNHS Alasasin na agad nailipat sa ospital nang ipaalam sa atin ng personal ang kanyang nararamdaman. Tunay nga po na kapag may puso at malasakit ang isang lider ay hindi kailanman mapapabayaan ang kanyang nasasakupan,” pahayag ng first-termer lady mayor.
Sa mga larawang ipinadala nito sa local press, makikita rito na personal na pinapakinggan ng Alkalde ang magagandang suhestiyon ng mga naka-isolate upang lalo pang maisayos ang isolation facilities at asahan daw aniya na unti-unti niya itong mapapaganda at maisasaayos sang ayon sa mga naging suhestiyon ng mga ito.
Ang huling kinausap ni Mayor Castañeda ay ang mga nangangalaga roon na mga matiyagang nag-aasikaso sa mga naka-isolate at binilinan sila na huwag papabayaan ang mga naka-isolate doon pati na rin ang kanilang mga sarili.
“Kung tunay na malasakit, pagmamahal sa kapwa-tao, pusong ina ang iiral sa bawat tao ay siguradong ramdam natin ang kalinga sa bawat isa,” ayon pa kay Mayor Jocas.
Sa nakaraang datos ng Sept. 19 ay 882 ang active cases sa Bataan at 598 dito ay mula sa Bayan ng Mariveles at nitong Lunes ay nadagdagan pa ito ng 17 panibagong nagpositibo sa coronavirus disease.
Tiniyak naman ni Mayor Castañeda na hindi aniya nagpapabaya ang pamahalaang lokal sa pagkalinga sa kanyang mga kababayan katuwang ang iba pang mga kapwa niya lingkod bayan sa buong probinsiya ng Bataan.