PhilRice, patuloy ang distribusyon ng mga binhi sa kabila ng krisis sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy ang pamamahagi ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice ng mga libreng binhi sa mga lokal na pamahalaan sa bansa.

Ayon kay PhilRice- Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Regional Coordinator Julian Macadamia, ang programang ito ay sakop ng RCEF – Seed Program na ipinatutupad ng ahensiya na naglalayong mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka.

Aniya, mayroon pang dalawang linggo na natitira para sa distribusyon ng mga certified inbred seeds hindi lamang sa rehiyon kundi sa mga lokalidad sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang sa mga naka-iskedyul na mga bayan sa Nueva Ecija na mabibigyan ng mga binhi para sa linggong ito ang  Bongabon, General Mamerto Natividad, Guimba, Llanera, Pantabangan, San Isidro, at mga lungsod ng San Jose, Cabanatuan at Agham ng Muñoz. 

Pahayag ni Macadamia, sa kabila ng suliraning kinahaharap sa COVID-19 ay tinitiyak na isinasagawa ang mga health protocol sa delivery ng mga binhi sa mga lokalidad.

Bagamat ipinauubaya na sa kada lokal na pamahalaan ang pamimigay ng mga binhi sa mga nasasakupang magsasaka ay tinututukan pa din ng tanggapan ang mga pagsisiyasat hinggil sa bilang ng mga benepisyaryo, binhing naipamimigay at lawak ng sakahang matataniman. 

Batay sa datos ng PhilRice, nasa kabuuang 232,333 bags na ng binhi ang naipamahagi sa buong rehiyon nitong Mayo 30 na nasa humigit kalahati na ng target allocation na 422,776 bags. 

Mula rito ay 113,609 bags na ang naipamahagi sa 36,578 benepisyaryong magsasaka sa pitong probinsiya sa Gitnang Luzon.

Batay pa din sa naturang datos ay pinaka-maraming natanggap ang lalawigan ng Nueva Ecija na nasa 87,210 bags ng binhi na kung saan 33,201 bags na ang naipamahagi sa 12,642 magsasaka na kayang taniman ang nasa humigit 13,700 hektaryang bukirin. 

Sinabi ni Macadamia, sa pangkaraniwang pagtanggap ng mga binhi ay ipinupunla na ito ng mga magsasaka upang agad na maitanim.

Kaniyang patuloy na panawagan sa mga kababayang magsasaka ay huwag magsasawang matuto ng mga bagong kaalaman at maging bukas sa mga makabagong kasanaya’t teknolohiya sa pagsasaka.

Para sa mga may katanungan ay maaaring magpadala ng mensahe sa PhilRice Text Center na 0917-111- 7423 o kaya ay sa kanilang website www.philrice.gov.ph

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews