Pinangunahan ni Hermosa Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton ang pormal na pagbubukas ng Philippine Identification System (PhilSys) Registration Center sa Barangay Palihan, Hermosa, Bataan.
Ayon sa Alkalde, ang pasilidad na ito ay gagamitin para mag-register ng National ID para sa ating mga kababayan.
“Antabayanan po natin ang text mula sa PSA para sa panibagong schedule ng inyong registration. Makibalita sa mga barangay officials kung kayo ang naka iskedyul,” pahayag ni Mayor Inton.
Ang pre-registration para sa National ID system sa bansa ay nagsimula noong pang Oktubre 2020 sa pakikipagtulungan Philippine Statistics Authority (PSA) at mga LGUs sa mga 5 million Filipino households mula sa 32 priority provinces na may mababang COVID-19 cases.
Ayon sa mandato sa ilalim ng Republic Act 11055 na isinabatas noong 2018, ang National ID program ay naglalayong mapalitan ang 46 iba’t ibang government IDs para na rin sa kaginhawaan ng mga mamamayang nakikipag-ugnayan sa pribado man o pampublikong establisimyento.
Sa hinaharap, inaasahan ng gobyerno na ang National ID ay magagamit para makapag-bukas ng bank account, gayundin sa digital transaction bilang cashless payment system.
Layon ng gobyerno na ang ID at ang impormasyon dito ay maaring makabawas sa bureaucratic red tape na maaaring mangyari sa mga programa katulad ng cash transfers kung saan ang pangunahing layunin ay mapabilis ang tracking at distribution ng mga ayuda sa mga benepisyaryo.