PIA, SSS tinalakay ang programa sa mga PWDs sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Tinalakay ng Philippine Information Agency o PIA at ng Social Security System o SSS ang kani-kaniyang mga programa sa grupo ng mga may kapansanan sa Nueva Ecija.

Ayon kay PIA Regional Director William Beltran, layunin ng aktibidad na mailapit ang mga tanggapan sa mga miyembro ng Nueva Ecija Association of Persons with Disability upang lubusang maipaunawa ang mga programa ng gobyerno.

Ito ay nilahukan ng 27 pangulo at kinatawan ng samahan mula sa iba’t ibang bayan sa Nueva Ecija na nagkaroon ng pagkakataong magtanong hinggil sa mga benepisyo ng SSS.

Dito ay ipinaliwanag ni SSS Cabanatuan Branch Social Security Officer III Giselle Balmores ang iba’t ibang benepisyong maaaring makuha ng mga aktibong miyembro ng tanggapan gaya sa panahon ng pagkakasakit, panganganak, pagkamatay, agapay para sa mga nagkaroon ng kapansanan, at pensyon para sa mga retirado.

Gayundin ay mayroong pribilehiyong makahiram ng pang-puhunan mula sa salary loan.

Susunod na pupulungin ng PIA at SSS ang mga mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology gayundin ang samahan ng mga mag-ta-tricycle sa lungsod ng Cabanatuan.

Sa panayam naman kay SSS Cabanatuan Branch Head Primitivo Verania Jr. ay kaniyang binanggit ang patuloy na kampanya ng tanggapang mapalawak ang bilang ng mga aktibo at nais maging miyembro sa SSS upang maseguro ang kanilang kinabukasan.

Sa kasalukuyan ay mayroong ugnayan ang SSS at mga lokal na pamahalaang nasasakupan upang tulungan ang mga kontraktwal na empleyado na nais maging miyembro na hindi na kailangan pang tumungo sa kanilang opisina upang maghulog ng buwanang kontribusyon.

Kabilang sa mga natungo na ng SSS ay ang mga lokalidad ng Cabanatuan, Guimba, Cuyapo, Cabiao, Talavera, Gabaldon, Sta. Rosa, Zaragoza, San Isidro, Licab, Bongabon, San Antonio gayundin ang mga tanggapan ng Department of Public Works and Highways, National Irrigation Administration at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews