Pinag-ugatan ng Philippine-Spanish Friendship Day, inalala sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinagdiwang ng mga Bulakenyo ang Philippine-Spanish Friendship Day sa pamamagitan ng pag-uugat sa tagumpay ng pagkubkob sa mga Kastilang nagkukubli sa simbahan ng Baler, sa pamumuno ng taga-San Miguel na si Coronel Simon Tecson.

Nairaos ito sa pamamagitan ng live streaming na diskusyon na itinampok ng official social media platform ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office. 

Panauhing tagapagsalita ang apo ni Coronel Tecson na si Luis “Ka Bobot” Tecson na nagtalakay ng naging pagkubkob sa Baler base sa kanyang aklat na “Remembering my Lolo Simon Tecson.”

Ang pagkubkob sa Baler na kilala bilang “Siege of Baler”, ay huling labanan ng mga Pilipinong rebolusyonaryo sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo laban sa huling pwersa ng mga Kastila na nakahimpil sa Pilipinas. 

Tumagal ng 337 na mga araw ang pagkubkob na ito mula Hulyo 1, 1898 hanggang Hunyo 2, 1899 bago tuluyang napasuko ang huling pwersa ng mga Kastila.

Binigyang diin ni Ka Bobot na limang pwersa ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang ipinadala ni Pangulong Aguinaldo sa Baler upang pasukuin ang mga Kastila. 

Ang ikalimang pwersa na pinamumunuan ni Coronel Tecson, sampu ng iba pang mga rebolusyonaryong taga-San Miguel, San Ildefonso at Baliwag, ang nagtagumpay upang tuluyang mapasuko ang mga Kastila. 

Sa pamumuno ni Coronel Tecson, hindi lamang pagpapasuko sa kalaban ang ginawa nitong misyon. 

Ipinaliwanag ni Ka Bobot na nanaig pa rin ang pagka-Pilipino ni Coronel Tecson sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa itinuturing na kaaway. 

Dahil sa tagal ng pagkakakubkob sa simbahan ng Baler, naubos na ang suplay ng mga pagkain ng mga Kastila. 

Dito pinadalahan ni Coronel Tecson ang mga nagkukubling Kastila sa loob ng simbahan ng isang Kalabaw upang makain ng mga ito. 

Ito ang nagbunsod upang tuluyan nang sumuko ang mga Kastilang 337 araw nang hindi makalabas-labas ng simbahan. Mula rito, pinahintulutan ni Pangulong Aguinaldo ang mga sumukong Kastila na ligtas na makaluwas sa Maynila upang makauwi na sa Espanya. 

Naging batayan aniya ito kaya’t nahantong sa pagkakadeklara ang petsang Hunyo 30 kada taon bilang Philippine-Spanish Friendship Day. 

Ito’y sa bisa ng Republic Act 9187 na iniakda ni noo’y Senador Edgardo Angara na nilagdaan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong taong 2003.

Pinili ang petsang Hunyo 30 dahil ito ang araw na iniutos ni Pangulong Aguinaldo na lusubin ang simbahan ng Baler sa lalawigan ng Tayabas, na ngayo’y Aurora.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews