BUSTOS, Bulacan — Muling binuksan sa trapiko ang mas pinatibay na tulay ng General Alejo Santos na nagdudugtong sa mga bayan ng Baliwag at Bustos.
Itinaon ang pagbubukas sa paggunita ng Ika-36 taong anibersaryo ng pagkamatay ni General Santos na tubong Bustos.
Nagsisilbing pangunahing daan ang tulay na ito ng mga sasakyan na galing sa Plaridel Bypass Road, na tatahak sa kabayanan ng Bustos patungo sa Baliwag.
Tumatawid ito sa ibabaw ng ilong Angat na may habang 284.80 lineal meters at dalawang linyang salubungan.
Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Regional Director Roseller Tolentino, isang malawakang pagpapatibay o retrofitting ang ginawa sa General Alejo Santos bridge bilang bahagi ng programa ng ahensya na patatagin ang mga matatanda nang tulay sa bansa.
Ito’y upang tiyakin na hindi babagsak ang tulay sakaling tumama ang isang magnitude 7.2 na lindol.
Bilang bahagi ng retrofitting, may dalawang abutment o malalaking pundasyon ang ibinaon na katabi ng malalaking poste nito. May kabuuang 16 na abutment ang inilagay dito sa pitong span o dugtungan ng tulay.
Kaya naman ayon kay Adora De Leon-Sunga, Regional Information Officer ng DPWH, maari nang makadaan sa mas pinatatag na tulay ng General Alejo Santos ang mga mabibigat na sasakyan gaya ng trak at bus.
Nagkakahalaga ng 282.7 milyong piso ang nagugol sa proyekto mula sa mga pambansang badyet ng 2018 at 2019.
Para kay Mayor Ferdinand Estrella ng Baliwag, mapapabilis ang pagluwas papuntang Metro Manila ng mga motorista na galing sa Baliwag sa pamamagitan ng pagdaan sa tulay ng General Alejo Santos.
Mula sa tulay na ito, ilang minuto na lamang ay mararating na ang Plaridel Road Bypass na diretso palabas sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway.
Lalo pa nitong mapapaluwag ang daloy ng trapiko sa Daang Maharlika na siyang dating daan paluwas.
Ikinagalak naman ni Mayor Francis Albert Juan ng Bustos ang muling pagbubukas ng nasabing tulay mula nang isara ito sa trapiko noong 2017.
Dahil sa nakalipas na tatlong taon na pagkakasara nito, nagbabayad pa ng halagang limang piso ang bawat sasakyan na dumadaan sa bahagi ng isang pribadong lupa upang makatawid sa ilog Angat mula sa dalawang mga bayan.
Kaugnay nito, bukod sa retrofitting, nilaparan din ang bangketa o sidewalk sa gilid nito na mula sa dating 1.10 meters sa 1.50 meters. Nilagyan din ng mga street lights upang maging maliwanag kung dadaanan kapag gabi.
Samantala, sinabi naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagbubukas ng tulay ay pagpupugay din kay General Santos.
Isang tubong Bustos na naging pinuno ng Bulacan Military Area noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nanungkulan bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Bulacan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong 1946.
Naging gobernador ng Bulacan mula 1951 hanggang 1957, kalihim ng Tanggulang Pambansa sa ilalim ni Pangulong Carlos P. Garcia mula 1959 hanggang 1961.