LUNGSOD NG MALOLOS — Pitong barangay sa bayan ng San Rafael sa Bulacan ang idineklarang drug-free.
Kabilang rito ang Paco, Maasim, Pasong Bangkal, Banca-Banca, Dagat-dagatan, Pinac-pinacan at Diliman II.
Ayon kay PDEA Regional Director Gil Pabilonia, ang mga nasabing barangay ay pinagkalooban ng mga sertipiko na magpapatunay na sila ay drug-free barangaybase sa mga parameters ng ahensya.
Ilan sa mga pamantayan ay ang non-availability of drug supply; walang drug den, pusher at user; walang drug laboratory sa lugar; aktibo ang barangay sa mga anti-drug related activities; may drug awareness, preventive information and education; at may barangay desk para sa drug treatment at rehabilitation process.
Hinikayat ni Pabilonia ang lahat ng opisyales na maging aktibo sa kampanya kontra iligal na droga sa pamamagitan ng monitoring at pagrereport sa mga akibidad at ibang pinaghihinalaang personalidad at pasilidad sa kanilang barangay.
Tiniyak ni Pabilonia na mananatiling confidential ang pagkakilanlan ng mga nagrereport sa kanila.
Bago ito, nauna nang idineklarang drug-free ang barangay Magmarale sa bayan ng San Miguel.