MALOLOS — Bubuksan na ngayong taon ang Plaridel Arterial Bypass Road hanggang sa Daang Maharlika sa bahagi ng San Rafael.
Iyan ang ibinalita ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Radial Road 10 segment ng NLEX-Harbor Link Project.
Ang 24.61 kilometrong Bypass road ay nagsisimula sa Balagtas Exit ng NLEX hanggang sa bayan ng San Rafael.
Bahagi nito ang bagong tayong 1.2 kilometrong viaduct na tumatawid sa ilog Angat sa pagitan ng mga bayan ng Bustos at San Rafael.
Ito na ngayon ang pinakamahabang tulay sa Bulacan.
Dalawang linya na salubungan ang nasabing tulay na may lapad na 8.5 metro.
Pito ang naging span nito na ang ibig sabihin, nasa 14 ang mga poste na may 21 hanggang 29.5 metro ang lalim ng ibabaong pundasyon sa lupa na nasa ilalim ng ilog Angat.
Unang binuksan sa mga motorista at biyahero ang Plaridel Arterial Road Bypass Project noong Marso 2012 sa bahagi ng Balagtas Exit sa NLEX hanggang sa bayan ng Plaridel o ang Contract Package 1 Phase 1.
Nagpaluwag ito sa daloy ng trapiko sa bahagi ng Daang Maharlika mula sa Sta. Rita, Guiguinto hanggang Pulilan.
Noong hindi pa nabubuksan ang nasabing bagong daan, wala nang iba pang ruta papuntang Nueva Ecija hanggang lambak ng Cagayan maliban sa Daang Maharlika.
May okasyon o wala, palaging masikip ang daloy ng trapiko na tumatagal ng dalawang oras at ngayon, 10 minuto na lamang mula NLEX-Sta. Rita Exit hanggang Pulilan.
Noong Marso 1, 2013, mismong si noo’y Pangulong Benigno Aquino III ang nagpasinaya sa mas pinahabang Plaridel Arterial Road Bypass Project na umaabot na sa bahagi ng Bustos.
Ang Plaridel Arterial Road Bypass Project ay pinondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng pamahalaan ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency.
May kabuuang haba na 24. 61 kilometro ang nasabing lansangan na may kasamang 10 malalaking tulay.
Mula noong kinonsepto ng proyekto noong 2006 at nasimulan ang konstruksiyon noong 2009 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, binubuo ang proyekto ng Plaridel Arterial Road Bypass Contract Package o CP 1 at 2 na may tig dalawang bahagi. Magmumula ang CP 1 Phase 1 sa Balagtas exit na nakakabit sa NLEX hanggang Plaridel na binuksan noong Marso 2012.
Mula noon, nagtuluy-tuloy ang pagluwag ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Daang Maharlika mula Pulilan, Plaridel hanggang Guiguinto na papalabas ng NLEX.