Ito ang tiniyak ni Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman matapos pumasa sa Ikalawang Pagbasa ang House Bill no. 9147.
“Ang ating panukalang batas na House Bill 9147 o ang Single Use Plastics Regulation Act ay aprubado na sa 2nd Reading. Konti na lang at talaga namang mararating na natin ang isang Pilipinas na #WalangPlastik!,” pahayag ni Congresswoman Roman sa kanyang Facebook Page post.
Ayon pa kay Roman, layunin ng kanyang panukalang batas na alisin na ang mga hindi kinakailangang single-use plastic products at pilitin ang mga mamimili at mga producers nito na gumamit ng mas makabago at environment-friendly na mga materyales upang maging ligtas na magamit muli, ma-recycle, o ma-compost ang mga ito.
Ayon sa ilang mga nailathalang pagsasaliksik, ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa sa Asya na na may pinakamaraming plastic na basura.
Una sa listahan ang bansang China at pumapangalawa naman ang Indonesia.
Isa umano sa mga katibayan na maraming basurang plastic sa karagatan ng Pilipinas ay ang mga nakukuha sa Manila Bay sa tuwing magsasagawa ng mga coastal clean-ups.
Sa iba pang pananaliksik na ginawa ng mga environmentalists, tinatayang nasa 437 million hanggang 8.3 billion plastics ang inaanod sa mga coastline sa buong mundo.
Samantala, sa baybaying dagat ng America, tinatayang 7.5 milyong plastics ang nakatambak at maging ang ilang mga namumuno roon ay problemado sa kanilang mga basurang plastic.