Premyo ng Kapitolyo sa SGLG, ilalaan para buhayin ang Hiyas Hotel

LUNGSOD NG MALOLOS — Gagamitin bilang panimulang pondo ang 4.5 milyong pisong premyo ng Pamahalaang Panlalawigan sa parangal na Seal of Good Local Governance o SGLG na iginawad ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Iyan ang kinumpirma ni Gobernador Daniel R. Fernando sa pakikipagpulong nito sa mga opisyales ng Gurong Nagbabalik sa Bayan Inc., isang civil society organization na isa sa mga nakatuwang niyang nagbalangkas ng 2020 Annual Investment Program.

Aniya, nakatakdang buhayin ang Hiyas Hotel sa pamamagitan ng rehabilitasyon at renobasyon ng ikalawang palapag na istraktura na bahagi ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos. Gayundin ang konbersyon sa katabi nitong gusali ng Governance Center- Center for Local Governance and Research Development. Hindi na ito aktibong nagagamit sa nakalipas na maraming mga taon.

Ipinaliwanag ng gobernador na layunin ng pagbuhay ng hotel sa Hiyas ng Bulacan Convention Center at sa pasilidad ng Governance Center na makatipid ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga gastusin sa tuwing may malakihang pagsasanay ang mga kawani nito. Lalung lalo na,  hindi na kailangang bumiyahe pa nang malayo at gumastos pa sa mga tutulugang hotel. 

Dati nang may hotel sa ikalawang palapag sa kanang bahagi ng Hiyas ng Bulacan Convention Center mula nang ipatayo ito ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1977, sa kahilingan ni noo’y Gobernador Ignacio Santiago. 

Hanggang noong 1999, unang isinailalim sa renobasyon ang Hiyas ng Bulacan Convention Center at ang mga dating pasilidad ng hotel ay ginawang paupahan ng mga tanggapan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. 

Hindi na rin nagagamit ang kalapit na Governance Center dahil ang mga pagsasanay kaugnay sa lalong pagpapalakas ng mga pamahalaang lokal ay idinadaos na sa mga function rooms ng Hiyas ng Bulacan Convention Center. 

Samantala, ayon kay DILG Provincial Director Darwin David, muling pinarangalan ang Bulacan ng SGLG dahil sa mapanagutang pamamahala nito sa pamamagitan ng masinop na paggamit ng pondo gayundin ang epektibong pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo sa mga karaniwang mamamayan. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews