Probinsiya sa Gitnang Luzon isinailalim na sa MECQ

Binago ng Inter Agency Task Force For The Management of Emerging Infectious Diseases Covid-19 ang nauna nang deklarasyon na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang ilang bahagi ng Gitnang Luzon at sa halip ay epektibo mula May 16-31, 2020 ay ipatutupad dito ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kaugnay ng banta ng coronavirus disease.

Base sa ipinalabas na Resolution No. 37, Series of 2020 dated May 15, 2020 ng IATF national office na nilagdaan nina Health Secretary Francisco Duque III at IATF Chairperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles-IATF Co-Chairperson, ang mga transitioning high-risk provinces, Highly Urbanized Cities (HUC) at Independent Component Cities (ICC) ay isinailalim sa  MECQ hanggang May 31, 2020 gaya ng HUCs ng National Capital Region (NCR), ang mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Bataan, Nueva Ecija, Zambales, Angeles City kabilang na rin ang lalawigan ng Laguna.

Mananatili naman ang mga high-risk provinces, HUCs at ICCs tulad ng Cebu City at Mandaue City sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil pa rin sa kasalukuyang estado ng mataas na kaso ng Covid-19 sa mga nasabing lugar.

Alinsunod naman sa unang anunsiyo ng IATF ay isasailalim simula May 16-31, 2020 sa General Community Quarantine ang mga probinsiya, HUCs at ICCs na mga lugar na hindi nabanggit subalit kabilang sa nagdaang implementasyon ng ECQ.

Ang nasabing Resolution ay ipinalabas matapos ang isinagawang 37th IATF Meeting nitong Biyernes bago matapos ang implementasyon ng Luzon-wide ECQ.

Nauna rito ay hiniling sa ng mga gobernador sa Central Luzon sa pangunguna nina Bataan Governor Abet Garcia, Bulacan Governor Daniel Fernando, Pampanga Governor Dennis Pineda, Governor Hermogenes Ebdane at Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr ang extension ng ECQ dahil sa pangamba ng posibleng pagdagsa ng marami pang kaso ng covid o ang tinatawag na 2nd wave.

Ang kanilang kahilingan ay inaprubahan ng IATF Region 3 at iniakyat ang rekomendasyon sa national office at base sa validation sa mga datos ng covid cases sa kani-kanilang mga nasasakupan ng IATF Screening and Validation Committee, ito ay kinatigan ay ipatutupad ang Modified ECQ simula May 16 hanggang May 31, 2020.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Gob. Fernando kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa mga namamahala ng IATF sa desisyon na mapalawig pa ang kanilang laban kontra covid virus.                                                                

Ayon kay Fernando, umabot na sa 148 ang confirmed covid cases sa Bulacan, 57 ang nakarekober, 28 ang nasawi at 1,404 ang active suspected cases.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews