LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tampok sa OTOPamasko Pre-Holiday Fair ng Department of Trade and Industry o DTI Bulacan ang mga produkto na gawa ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL.
Ito ay isinasagawa hanggang ngayong Linggo, Nobyembre 20, sa Robinson’s Place Malolos.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology Regional Welfare and Development Chief Jail Chief Inspector Delight Ercilla, pinondohan ng ahensya ang pagkakaroon ng kinailangang mga materyales sa paggawa ng paso, mini-cabinet at iba pang handicraft ng mga PDL na mula sa Marilao Municipal Jail, Balagtas District Jail at Baliwag Municipal Jail.
Layunin aniya nito na maging produktibo ang mga PDL habang nakakulong o dinidinig ang kani-kanilang mga kaso, sa pamamagitan ng pagpapamalas ng husay sa paglikha ng mga handicraft.
Ang kikitain ng mabibiling produkto ay mapupunta ang bahagi sa indibidwal na mismong lumikha at sa kanilang samahan.
Kabilang ang kanilang mga produkto sa 32 pang mga kalahok na micro, small and medium enterprises na nauna nang natulungan ng DTI na maging ganap na OTOP o One Town, One Product.
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, ito ang unang pagkakataon na nailahok sa isang trade fair na inorganisa ng ahesya ang mga PDL sa Bulacan.
Umaasa siya na magiging regular na ito upang tunay na maitinda at mas mabilis na mabili ang mga likhang produkto mula sa loob ng mga kulungan.
Kaugnay nito, ibinalita rin ni Department of Science and Technology Provincial Director Angelita Parungao na nagkaloob sila ng oven sa BJMP upang makatulong sa mga produktong pagkain na gawa ng mga PDL.