Progressive Budgeting, isinusulong ng DBM                                                              

LUNGSOD NG MALOLOS — Isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM) ang Progressive Budgeting for Better and Modernized (PBBM) Governance Bill.

Layunin nito na mas maging epektibo ang pagpaplano, paggastos at pagtutuos sa pambansang badyet na pinopondohan ng pera ng bayan. 

Sa ginanap na Forum for the Preparation of the FY 2024 LGU Budgets, ipinaliwanag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman sa mga kasapi ng Association of Local Budget Officers in Region III na target din na mapalakas ang pakikiisa ng publiko sa paghahanda sa taunang panukalang pambansang badyet.

Kaya’t hinikayat ng kalihim ang mga municipal, city at provincial budget officers ng Gitnang Luzon na ilahok ang mas marami pang civil society organizations sa serye ng mga participatory budgeting sessions.

Ang PBBM Governance Bill ay isang balangkas na nakatungtong sa prinsipyo, konsepto at sistema ng Modernize Budgeting System, Resolve Fragmented Public Financial Management (PFM) Legal Framework, Secure Institutionalization of key PFM Reforms, Cash Budgeting System at Public Participation in Budget Processes.  

Una, sa modernize budgeting system, nais ng DBM na maging paperless ang mga transaksiyon gaya ng pagsusumite ng budget proposal sa pamamagitan ng pagpapabuti ng eBudget System, Automated Expenditure Tagging at Updated Budget Operations Manual.

Pangalawang rerepormahin ang PFM Legal Framework kung saan nakatakdang ayusin ang Treasury Single Account, Accounting, Auditing at ang Integrated Financial Management Information System.

Nakapaloob din sa PBBM Governance Bill ang pagiging permanente ng Cash Budgeting System na magpapabilis sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng pamahaalan.

Sa pamamagitan nito, kailangang gastusin ng ahensiya ang pondo na inilaan sa loob ng isang fiscal year. 

Dahil kapag hindi nagastos, kailangang isauli ang pera sa National Treasury at maghihintay muli na ilaan ng Kongreso sa susunod na fiscal year.

Pinakasentro ng PBBM Governance Bill ang pagtatatag at promosyon ng isang malakas na mekanismo para sa lalong pakikilahok ng publiko sa pagbalangkas ng badyet na may kaakibat na pagkakaunawa sa prinsipyo ng fiscal responsibility.

Ipinaliwanag pa ng kalihim na kung mas marami aniya ang makikisa sa pagbalangkas ng badyet, ang taong-bayan mismo ang makakapagsabi kung gaano kahaba o kakapal ang dapat na ilatag na kalsada, ilan ang dapat mapagkalooban ng free tuition, gaano kalaking sakahan ang dapat mapatubigan at iba pang bagay na may direktang pakinabang sa karaniwang mamamayan.

Binigyang diin pa ni Pangandaman na ang mga repormang ito ang magpapatatag sa ipinaiiral na 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework.

Nagsisilbi itong haligi at saligan ng taunang paggastos at paglalaan ng pamahalaang nasyonal na inihahanda ng DBM at inaaprubahan ng Kongreso taun-taon.

Tinitiyak nito ang sapat at napapanahong pondo para sa 8-Point Socio Economic Agenda sang-ayon sa 2023-2028 Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos.

Samantala, target ng DBM na maipapasa sa Kongreso ang PBBM Governance Bill sa papasok na Second Regular Session ng 19th Congress na magsisimula sa Hulyo 2023. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews