Proyektong Bulacan Cyber Park & Business District, nagpatuloy na

LUNGSOD NG MALOLOS, Hulyo 14 (PIA) — Itinutuloy na ang pagbabaon ng mga pundasyon sa itinatayong Bulacan Cyber Park and Business District na nasa gilid ng Manila North Road sa barangay Bulihan sa lungsod ng Malolos. 

Nauna nang sinimulan ang pagtatayo nito noong unang linggo ng Marso ngunit agad na nahinto pansamantala, nang isailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine. 

Ayon kay Clyde Lagcao, project manager ng Robinson’s Land Corporation na siyang developer sa proyekto, isinailalim sa rapid test ang may 50 mga manggagawa bago ang pagpapatuloy ng pagpupundasyon. 

Negatibo naman sa coronavirus disease ang naging resulta ng lahat ng mga manggagawang isinailalim sa nasabing rapid test. Kaya’t puspusan na ang pagbabaon ng pundasyon sa itatayong apat na palapag na lifestyle mall na isang unang bahagi ng Bayan Park.

Ang Bulacan Cyber Park and Business District ay proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na inilunsad noong 2019 upang maging isang economic zone na paglalagyan ng mga mamumuhunan sa larangan ng hotel, business processing outsourcing, space rentals at iba pang pasilidad na aakma para rito.

Itinatayo ito sa may 12 ektarya na ipinagkaloob ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa pamahalaang panlalawigan sa bisa ng kanyang Proclamation 832. 

Ayon kay Randy Po ng Provincial Planning and Development Office, hiniling ng pamahalaang panlalawigan sa pamahalaang nasyonal na maipagkaloob ang nasabing lupain upang maisakatuparan ang Bulacan P.R.I.D.E o Program for Rapid Industrialization and Development. 

Isa itong flagship project ng Pamahalaang Panlalawigan upang higit na maisulong ang ekonomiya ng Bulacan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa industriyalisasyon upang makalikha ng mga trabaho. 

Bilang paunang mga resulta, tinatayang aabot sa limang bilyong piso  ang papasok na pamumuhunan sa pagtatayo ng pasilidad na ito na makakalikha ng 100 hanggang 200 libong bagong trabaho. 

Sinabi rin ni Lagcao na may inisyal na 500 milyong piso na ang halaga ng itinatayong lifestyle mall na bahagi ng Bulacan Cyber Park and Business District. 

Sa may 12 ektaryang lupa na ipinagkaloob sa pamahalaang panlalawigan, apat na ektarya ang pagtatayuan ng lifestyle mall, 12, 454 square meters o katumbas ng 1.2 ektarya para sa central park at nasa pitong ektarya ang inilaan para sa pagtatayo ng mga high rise building na ipapaupa sa mga business process outsourcing, space rentals, mga national government agencies at maging mga bangko na pinapangasiwaan ng pamahalaan. 

Katabi nito ang 10 ektaryang Malolos City Government Center na ipinagkaloob naman ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews