Public hospitals sa Bulacan naghigpit kaugnay ng nCov

Ipinatutupad ngayon sa lahat ng pampublikong ospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga standard infection control measures upang maprotektahan ang mga Bulakenyo laban sa banta ng Novel Coronavirus (2019-nCoV).

Kahit wala pang naitatalang kaso ng nCov sa lalawigan, agarang umaksyon at nagsagawa ng mga aktibidad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel  Fernando sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) para mabawasan ang takot ng mga Bulakenyo hinggil sa nakamamatay na virus, kasama na ang pagpapalaganap ng mga impormasyon at pagkakaroon ng infectious control team sa bawat ospital.

Naglagay din ng isolation unit at holding area sa bawat ospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kung sakaling magpakita ng posibleng sintomas ng 2019-nCoV ang isang pasyente.

Dagdag pa dito, naka alerto din ang mga Rural Health Unithealth centers pampubliko at pribadong ospital sa mga komunidad kung sakaling magkaroon ng emergency habang nagpatupad din ng active surveillance sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) sa mga pasyenteng magpapatingin o maa-admit sa mga ospital.

Sinigurado naman ni Fernando na kumpleto sa pasilidad at handa ang mga pampublikong ospital sa lalawigan, gayundin ay sumusunod ito sa mga direktiba ng Department of Health (DOH).

“Nakaabang tayo, nakatutok. Kung sakali man na magkaroon ng kaso nakahanda ang lalawigan, nakahanda ang PGB, ang ating mga provincial hospital, at tayo ay nakaantabay at sumusunod sa mga tagubilin ng DOH. Sa ngayon, mayroon po tayong mga kinatawan na lumilibot mula sa PHO-PH upang turuan ang mga nasa barangay ng tamang paghuhugas ng kamay, coughing etiquette at safety food handling,” ani Fernando.

Samantala, pinayuhan naman ng PHO-PH ang mga Bulakenyo na obserbahan at sumunod sa mga hakbang upang maiwasan ang nasabing sakit kasama na ang masinsinan at regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig; paggamit ng tissue o panyo upang takpan ang mukha habang umuubo o bumabahing; pag-iwas sa interaksyon sa mga hayop ng walang wastong proteksyon; tamang pagluluto sa mga karne bago ihain; paggamit ng facemask sa mga pampublikong lugar; pag-iwas sa mga matataong lugar at mga taong may sintomas ng ubo’t sipon; pag-inom ng sapat na tubig, pagkain ng masusustansyang pagkain at pagkakaroon ng sapat na oras ng tulog upang mapalakas ang resistensiya.

Ang 2019-nCoV ay bagong strain ng virus na nagmula sa Lungsod ng Wuhan, Hubei, China na maaaring maging dahilan ng iba’t ibang uri ng sakit mula sa karaniwang ubo’t sipon hanggang sa maging seryosong kumplikasyon gaya ng pulmonya at sakit sa bato na maaaring maging dahilan ng kamatayan kung saan idineklara ng World Health Organization bilang ‘public health emergency of international concern’ kamakailan.

May kabuuang 8,100 na kaso na ng nCoV ang naitala mula 7:41 ng umaga ngayong araw at 213 na ang namatay sa China habang may 18 na bansa na ang may kumpirmadong kaso ng virus kasama na ang Pilipinas na may isang kumpirmadong kaso at kasalukuyang naka-admit sa isang pampublikong ospital sa Maynila habang may kabuuang bilang na 29 pasyente naman ang kasalukuyang iniimbestigahan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews